Home HOME BANNER STORY Japan PM, SoKor president at NZ foreign minister, dumating sa PH para...

Japan PM, SoKor president at NZ foreign minister, dumating sa PH para sa ASEAN Summit

1
0

MANILA, Philippines – Dumating na sa Pilipinas nitong Lunes, Nobyembre 16, sina Japanese Prime Minister Sanae Takaichi, South Korean President Lee Jae Myung at New Zealand Foreign Minister Winston Peters para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits.

Sinalubong si Takaichi nina Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano at Public Works Secretary Giovanni Lopez pagdating nito sa paliparan noong Lunes ng hapon.

Si Takaichi ang kauna-unahang babaeng prime minister ng Japan.

Nauna namang dumating si Lee kasama ang kanyang asawang si First Lady Kim Hye Kyung, habang sinalubong din ni Mayor Calixto-Rubiano si Peters.

Kasunod ng kanilang pagdating, lumahok ang mga dayuhang opisyal sa mga pagpupulong na nakatuon sa pagpapalakas ng kooperasyon sa ekonomiya, seguridad at makabagong teknolohiya.

Sa ASEAN-South Korea Summit, iminungkahi ni Lee ang ASEAN-Korea AI Companionship Initiative at ASEAN-Korea Cultural and Creative Industries Initiative.

Layunin ng mga panukala na mapalawak ang pakinabang ng mga mamamayan sa artificial intelligence at makalikha ng mas maraming oportunidad sa creative industries, partikular para sa kabataan.

Sinimulan din ng ASEAN at South Korea ang negosasyon para mapahusay ang kanilang free trade agreement, na may layuning mapataas sa US$300 bilyon ang taunang kalakalan.

Samantala, sa hiwalay na ASEAN-Australia Summit, muling pinagtibay ng mga lider ang kooperasyon sa kalakalan, maritime security, edukasyon at pagtugon sa climate change.

Kabilang si Australian Prime Minister Anthony Albanese sa mga naunang dumating sa Pilipinas para sa summit.

Pormal na binuksan ang 49th ASEAN Summit noong Linggo, Nobyembre 15, habang nagpapatuloy hanggang Nobyembre 18 ang mga kaugnay na pagpupulong.

Ang Pilipinas ang kasalukuyang ASEAN chair at nakatakdang ipasa ang pamumuno sa Singapore.

(Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here