STA. BARBARA, Pangasinan – Patay ang tatlong magpipinsang edad 4, 5 at 6 matapos malunod sa isang tubigan sa Barangay Payas, Sta. Barbara, Pangasinan, noong Sabado, Nobyembre 14.
Batay sa ulat ng Inquirer, natagpuan ang mga bangkay ng tatlong bata dakong alas-5:20 ng hapon matapos maghanap sa lugar ang isang magsasaka na nakakita sa kanilang mga damit malapit sa isang latian.
Agad na rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at dinala ang mga bata sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City.
Gayunman, idineklara silang dead on arrival ng attending physician.
Ayon sa isang 83-anyos na residente ng Barangay Cablong, nakita niya ang mga bata na nagtutungo sa isang bukirin dakong alas-2 ng hapon.
Narinig din umano niyang pinag-uusapan ng mga bata ang paliligo malapit sa isang water pump.
Kasunod ng insidente, inatasan ni Sta. Barbara Police Chief Col. Michael Datuin ang mga opisyal ng barangay na maglagay ng bakod sa paligid ng tubigan.
Ipinag-utos din niya ang paglalagay ng mga babala laban sa paglangoy sa lugar upang maiwasan ang kaparehong trahedya.
Hindi pa malinaw ang eksaktong mga pangyayari bago nalunod ang tatlong bata. Mary Anne Sapico