BACOLOD CITY- Patay ang isang taong gulang na lalaki matapos mahulog sa isang balon sa Barangay Cabadiangan, Himamaylan City, Negros Occidental noong Biyernes.
Sinabi ni Police Lt. Col. Anthony Grande, Himamaylan police chief, natagpuang walang malay ang biktima sa loob ng balon, halos isang araw matapos siyang hanapin ng kanyang pamilya.
Ani Grande, sinabi ng mga magulang ng biktima sa kanilang 12-anyos na anak na hanapin ang nakababata nitong kapatid, dahil mag-aalmusal na sila. Subalit, hindi ito sumunod sa utos ng kanyang mga magulang.
Nag-almusal na ang pamilya sa pag-aakalang nasa kapitbahay lamang ang biktima.
Nang magtungo sa kapitbahay ay doon na napag-alaman ng pamilya na nawawala ang bata.
Dinala ang biktima sa ospital kung saan siya idineklarang patay.
Ayon kay Grande, anim na metro ang layo ng balon mula sa bahay ng biktima at walang takip at lima hanggang anim na talampakan ang lalim.
Halos puno ng tubig ang balon dahil sa pag-ulan sa mga nakalipas na araw, dagdag niya. RNT/SA