DALAWANG mahalagang pangyayari ang lumilitaw ukol sa bigas.
Isa ang epektibo nang pagbaba ng buwis sa importasyon ng bigas mula sa 35 porsyento sa 15% lamang mula Hulyo hanggang taong 2028 sa bisa ng Executive Order 62.
Ang bunga umano nito: Bababa ang presyo ng bigas sa P44.17-P49.56 kada kilo mula sa P53.45 imported at well-milled rice at P51.25 local well-milled rice.
Sa ibang salita, mga brad, makatitipid ang Pinoy ng nasa P6-7 kada kilo.
Ngunit makabibili ng P29 kada kilo ang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P), senior citizen, single parent at person with disabilities sa pamamagitan ng mga Kadiwa Store.
Ang sabi, palalawakin din ang pagbebenta ng murang bigas ngunit hindi malinaw kung kailan ito magaganap.
Alalahaning higit na nakararami ng 112 milyong Pinoy ang may kitang isang kahig isang tuka.
Heto ang isa pang mahalagang pangyayari.
Bumabagsak ang presyo ng bigas sa Vietnam at Thailand na pangunahing pinagkukunan ng mga rice importer sa Pinas dahil sa inaasahang pagluluwag ng India ng pagbebenta ng bigas sa pandaigdigang merkado.
Heto ang presyo: Vietnam – $565-$570 mula sa $575 kada metriko tonelada; Thailand – $570 to $575 mula sa $585 kumpara sa nakaraang mga buwan.
Ang India rice, $539-$545 kada tonelada mula sa $541-$548 na presyong ilang linggo na ang nakalipas.
Ang mga importer, nakamasid na sa presyong India at maaaring sa India sila kukuha ng bigas, maliban lang kung magbabagsak din ng presyo ang Vietnam at Thailand.
Kapag pagsamahin ang mababang buwis at pagmura ng bigas, tatabo ang mga importer ng bigas dahil sa kantidad o bolyum nakabatay ang taripa o buwis at hindi sa presyo.
Paano kaya harapin ng gobyerno ang pribilehiyo ng mga ito at higit pang pababain ang presyo ng bigas na dapat pakinabangan na rin ng lahat?
Ang maniobra ng mga importer ng bigas na may kontrol sa suplay ng bigas para magsamantala na ikinahihirap ng mga mamamayan, paano rendahan ng gobyerno?






