Home OPINION BAHAGI NG MODERNISASYON, ‘DI PAG-UUDYOK NG GIYERA

BAHAGI NG MODERNISASYON, ‘DI PAG-UUDYOK NG GIYERA

145
0

HINDI maiaalis na magkaroon ng kanya-kanyang opinyon at paniniwala ang mga Pinoy sa mga isyung may kaugnayan sa nagaganap na tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas hinggil sa usaping teritoryo sa West Philippine Sea.

Bagama’t sa kabuuan ay mas maraming mga pinuno ng malalaki at makapangyarihang bansa ang naniniwala sa ipinaglalabang teritoryo ng Pilipinas sa WPS, hindi maiaalis ang duda ng marami na hanggang sa suportang laway lang ang mapapala ng bansa sa oras na humantong sa labanan ang nagaganap na tensyon.

Kaya nga maingat na maingat ang ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagbibitiw ng mga salita dahil sa isang pagkakamali lang ay posible itong maging mitsa nang lalo pang mainit na tensiyon sa WPS bagama’t mararamdaman sa kanyang mga pahayag ang matinding paninindigan na wala kahit katiting na teritoryo ng Pilipinas ang isusuko sa China.

Gayunman, may ilan pa rin tayong mga kababayan na sa halip na kampihan ang aksyon ng pamahalaan, ginagamit pa nila ang social media upang batikusin at siraan ang mga opisyal ng gobyerno at mismong ang sariling bansa na hindi man lamang naisip na baka ganito ang sadyang pakay ng mga Tsino para sirain ang pagkakaisa ng mga Pilipino.

Nang aprubahan ni Pangulong Bongbong ang pagbili  ng F-16 fighter jet ng Estados Unidos at JAS-39 ng Sweden, may ilang nagtaas ng mga kilay at binigyan ng masamang kahulugan.

Kung tutuusin, ang pagbili ng fighter planes ay bahagi lang ng modernisasyon ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na matagal nang ipinatutupad noong hindi pa nanghihimasok ang China Coast Guard sa exclusive economic zone ng ating bansa.

Hindi ba’t noon ay bumili na rin tayo ng fighter plane na FA-50 sa South Korea na bahagi ng AFP modernization program? Kaya kung bibili pa ng mga makabagong armament, hindi ito nangangahulugang sasabak  sa giyera. Totoong magagamit ang bibilhing makabagong fighter plane ng Estados at Sweden sa pagbabantay sa ating mga teritoryo pero hindi  ito nangangahulugang nag-uudyok ang administrasyon ni PBBM ng giyera.

Sabi nga ng AFP, hindi lang naman barkong panggiyera ang kailangan para magbantay sa ating mga teritoryo kundi dapat ay makabagong fighter jet planes para magbantay lalo na’t napaliligiran ang Pilipinas ng malawak na karagatan. Ganito rin naman ang ginagawa ng ating mga kalapit bansa kaugnay sa pagpapalakas ng pwersa. Mabuti na rin ang handa sa anomang mangyayari.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here