CEBU CITY- Pinalakas ang pagsisikap na pigilan ang mga driver o operator ng Public Utility Vehicles (PUVs) sa overcharging sa gitna ng pagdagsa ng mga pasahero dulot ng Palarong Pambansa sa lugar na ito.
Nakiisa ang Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7) sa pagsita sa mga abusadong driver sa pamamagitan ng paglulunsad ng “Oplan: Against Abusadong Taxi Driver” nitong Sabado, Hulyo 13.
Nagsagawa ang Highway Patrol Group-Central Visayas (HPG-7) ng random inspections sa pakikipagtulungan sa Land Transportation Office (LTO) at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa nasabing inspeksyon, sinuri ang taxi meters at namahagi ng stickers na mayroong hotline number ng RHPU sa mga pasahero.
Pinayuhan ni Police Brig. Gen. Anthony Aberin, hepe ng PRO-7, ang mga pasahero na laging maging alerto sa metric fares ng PUVs.
Nagbabala si Aberin ng parusa sa mga lalabag na mga driver at operator.
“While most of our PUV drivers in Cebu are honest, the police will be looking at those very few who may take advantage of the situation by overpricing. The PNP and the LTFRB are closely working together to prevent this from happening and rest assured that proactive steps are being taken against these erring drivers,” wika ni Aberin.
Sinabi ni LTO-Central Visayas Regional Director Glen Galario na magsasagawa sila ng random operations matapos makatanggap ng ulat na ilang Palaro delegates ang nabiktima ng overcharging drivers.
Noong Biyernes, nahuli ang isang taxi driver matapos maningil ng labis na pamasaher mula sa isang pulis na nagpanggap na miyembro ng Palarong Pambansa delegation.
Mula nang umarangkada ang Palarong Pambansa noong Hulyo 9, sinabi ng LTO-7 na dalawa pang taxi drivers ang nahuli sa parehong paglabag. RNT/SA