Home NATIONWIDE Halos 5,800 mula sa 7,747 illegal gambling websites na-block na – Pagcor

Halos 5,800 mula sa 7,747 illegal gambling websites na-block na – Pagcor

174
0

MANILA, Philippines- Iniulat ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) na 5,793 online gambling websites at apps na natukoy na ilegal ang na-block na.

Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, sinabi ni Pagcor chairperson Alejandro Tengco na simula nang italaga siya noong 2022, natukoy na ng ahensya ang 7,747 illegal gambling websites at online gaming platforms na nag-ooperate, kabilang na rito ang e-sabong, mobile apps, offshore sites, chat rooms, at Facebook ads na nagpo-promote ng illegal gaming.

Sa naturang bilang, 5,793 o 74.78% ang matagumpay na na-block, ayon kay Pagcor senior vice president Raul Villanueva. Ang natitirang 1,954 ay nananatiling aktibo.

Paliwanag ni Villanueva, hindi naman pisikal na pag-block ang ginawa ng gobyerno sa illegal gambling sites.

Sa halip, inendorso ng Pagcor ang illegal websites sa Department of Information And Communications Technology (DICT), na makipag-ugnayan sa internet service providers (ISPs) na siya namang magsasagawa ng ‘blocking’ ng URL. “They do not physically block it, they order the internet service providers to block it. They are very dependent to ISPs,” ayon kay Villanueva.

Sa kabilang dako, nakikipag-ugnayan na ang Pagcor sa local digital payment gateways gaya ng GCash at Paymaya upang i-block ang payments o pagbabayad sa illegal gambling websites.

Gayunman, sinabi ni Tengco na ang pag-block sa illegal online gaming websites ay maaaring maging walang saysay dahil mas madali silang “ma-reincarnate” sa iba’t ibang website.

Subalit, sinabi ni Tengco na ang paglansag sa ilang illegal online gaming websites ang dahilan naman para mapilitan ang ilan sa illegal operators na sa wakas ay magparehistro sa gobyerno.

“The good news is in the last 45 days, 3 big companies involved in illegal operations or not registered, have already come up and manifested that they already want to be registered and will get out of the unregistered market,” ayon kay Tengco.

Hanggang nitong Hulyo 3, 2024, nakapagtala ang Pagcor ng 35 gaming system service providers na inaprubahan ng Electronic Gaming Licensing Department nito. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here