MANILA, Philippines- Tiniyak ni PhilHealth Corporate Affairs Vice President Rey Balena na sa paglipat ng pondo ay hindi kasama ang kontribusyon ng nagbabayad na miyembro.
Kasabay nito, sinabi ni Balena na ginagawa ng PhilHealth ang nararapat na pagsisikap sa pagsunod sa hakbang ng executive department na ilihis ang labis na pondo ng government-owned and controlled corporations (GOCC) para pondohan ang mga hindi nakaprogramang paglalaan sa taong ito.
Sinabi ng opisyal na ang pondong ililipat ay mga hindi nagamit na bahagi ng National Government subsidy na inilabas sa PhilHealth sa pamamagitan ng GAA para sa Indirect Contributors.
“No funds from the contributors of paying members are included,” ani Balena.
Sinabi rin ng opisyal na “agresibong pinahusay” ng state insurer ang mga benepisyo nito kabilang ang hemodailysis package nito.
Binanggit din ng PhilHealth ang anim na package para sa high-burden diseases tulad ng breast cancer, hemorrhagic at ischemic stroke, high-risk pneumonia, bronchial asthma at neonatal sepsis.
Sinabi pa ni Balena na tinitingnan nila ang benefit package enhancements para sa open heart surgeries, iba pang uri ng cancer at COVID-19.
Nagbigay katwiran naman ang Department of Finance (DOF) noong Lunes sa paglilipat ng pondo na sinabing: “Billions in unused and idle funds of government corporations are being marshalled for projects in health, social services, ang infrastructure that serve the public, finance growth, and cut poverty.”
Sinabi ni health advocate Dr. Tony Leachon na ang labis na pondo ay hindi dapat idirekta sa mga hindi nakaprogramang appropriations sa loob ng national budget kapag ang PhilHealth ay hindi epektibo sa pagsasakatuparan ng mandato nito sa pagtiyak ng abot-kaya, katanggap-tanggap, magagamit at accessible health care services para sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas.
Iginiit ni Leachon na dapat panagutin ang PhilHealth sa umano’y matinding kapabayaan at inefficiency nito.
Para sa dating presidente ng Philippine College of Physicians, ang benefit packages ay hindi sapat na pinalawak upang mabawasan ang mga paggastos mula sa bulsa lalo na para sa mga “poorest of the poor.” Jocelyn Tabancgura-Domenden