Home NATIONWIDE Angara may opsyon na magbitiw o hindi sa Senado – Escudero

Angara may opsyon na magbitiw o hindi sa Senado – Escudero

152
0

MANILA, Philippines- Nasa kamay ni Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara na magbitiw o hindi bilang senador bago opisyal na maupo sa Department of Education (DepEd) na pangkaraniwang protocol sa Sangay ng Lehislatura.

Sa panayam, sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na sariling desisyon ni Angara kung magbibitiw ito bilang senador bago makumpirma ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) bilang DepEd secretary.

“Binabati ko si Senator Angara sa kanyang pagkakahirang bilang Secretary ng Department of Education. I believe that he would do a good job and I wish him well. Malaking problema ang kakaharapin nya bilang kalihim ng kagawaran ng edukasyon partikular sa kinakaharap na isyu natin sa edukasyon kabilang na syempre ang mga suliranin katulad ng ating mga teacher, ng ating mga estudyante kakulangan sa pasilidad at gayundin kalidad ng edukasyon, primary and basic education sa ating bansa. Primary and secondary. And I look forward to working with him not only in the Senate but also in being part of the executive,” ayon kay Escudero.

Ipinaliwanag pa ni Escudero na magiging “minus one” ang Senado kaya’t aabot na lamang sa 23 ang senador at nakatakdang mapaso ang termino ni Angara sa susunod na taon.

Ayon kay Escudero,“option” ni Angara kung magbibitiw ito bilang senador upang pormal na gampanan ang kanyang tungkulin bilang miyembro ng Gabinete.

“Hindi ko alam. Mag-uusap pa kami kaugnay ng eksaktong plano, balakin at schedule nya dahil option nya kung magreresign sya pagkatapos mag-take effect ng appointment upang sa gayon ito ay maging isang ad interim appointment,” ayon kay Escudero.

Sa ngayon, wala pang natatanggap na opisyal na resignation letter ang tanggapan ni Escudero sa pagbibitiw ni Angara.

Sinabi pa ni Escudero na pwedeng maupo si Angara at manilbihan bilang kalihim kung magbibitiw siya ngunit kapag hindi hanggang hindi siya nakukumpirma, magiging “nominee” lamang siya habang makumpirma at mag-assume ng bagong tungkulin.

Anuman ang balakin ni Angara na nakatakdang opisyal na manungkulan bilang DepEd secretary bukas, Hulyo 19, walang nakikita ang lider ng Senado na balakid sa kanyang kumpirmasyon sa CA.

“Wala akong nakikitang problema sa parte ng Senado dahil bibigyan namin sya syempre ng kortesiya bilang kasalukuyang miyembro ng Senado and all the members of the Senate are proud of Senator Angara, not only as a member of the Senate but also as the member of the President’s cabinet. Sa parte ng Kamara, I believe he will be given some courtesies din naman being a member of Congress and being a member of the House before as well,” ayon kay Escudero.

Pero, ipinahiwatig ni Escudero na hindi na dadalo si Angara sa pagbubukas ng sesyon sa Hulyo 22 dahil kailangan nitong maghada para sa State of the Nation Address (SONA).

“Hindi na po pero siyempre imbitado siya bilang nakaupo pa rin namang miyembro hanggang sa ngayon. Hindi ko lang tiyak kung mag-a-attend siya dahil syempre kailangan din niyang maghanda para sa SONA ng Pangulo,” anang senador.

“Pero tama nakausap ko rin siya noong isang araw at yan nga ang kanyang balak o intensyon kung hindi magbabago,” paliwanag ng lider ng senador.

Sinabi pa ni Escudero na isang ad interim appointment ang pagkakatalaga kay Angara sa DepEd at kapag epektibo na ang pagbibitiw ni VP Sara Duterte, sa Hulyo 19, maaari na siyang gumampan ng tungkulin nito sa ahensia.

“So siya ay maituturing na ad interim appointment at hindi simpleng nominee pa lamang na hindi pa pwedeng gumanap sa tungkulin ng isang DepEd Secretary na parang full-pledge na rin,” ayon sa mambabatas. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here