Home HOME BANNER STORY 3 nadakip na cyber hackers iniharap ng NBI

3 nadakip na cyber hackers iniharap ng NBI

Iprinisinta ng NBI sa publiko ang tatlo pang nadakip na cyber hackers. noong Hulyo 16, 2024. Danny Querubin

MANILA, Philippines- Kasunod ng matagumpay na pag-aresto sa mga miyembro ng hacking syndicate kamakailan, naaresto naman ang iba pang cyber hacker ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sinabi ni NBI Director Jaime B. Santiago (Ret.) na sa pagkakaaresto kay “NEWBIEXHACKER” sa Tagaytay City noong Hulyo 8, 2024, nadiskubre na nasa kanya ang isang file na code-protected at naglalaman ng sensitibong impormasyon na mula sa database ng Philippine Navy.

Ibinunyag niya na ang datos ay ipinadala sa kanya ni “HAXINJA”, na mayroon ding access code para sa nasabing datos.

Sa ilalim ng pangangasiwa ng NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD), si “HAXINJA” ay nagtatag ng komunikasyon sa pamamagitan ng tawag sa telepono kung saan sila ay sumang-ayon na magtulungan para sa isang partikular na proyekto na tinatawag na “E-Commerce Website.”

Kinumpirma ni “HAXINJA” na nasa kanya ang passcode para ma-access ang isang Philippine Navy file at maibibigay din ito sa kanilang pagpupulong na itinakda noong Hulyo 16, 2024 sa Cagayan de Oro City.

Agad namang ikinasa ang entrapment operation ng NBI-NEMBRO kasama ang kinatawan ng Philippine Navy na nagresulta sa pagkakaaresto kay HAXINJA pagkatapos niyang bigyan ng access ang file, na kinumpirma na isang confidential na dokumento.

Dagdag pa, ang iba pang mga file sa flash drive ng suspek ay naglalaman ng maraming mga dokumento at mga larawan na nakuha mula sa database ng Philippine Navy.

Idinagdag ni Santiago sa parehong araw, isa pang hacker na si “D4rkJ1n” ang inaresto sa Cubao, Quezon City ng mga operatiba ng CCD.

Bunsod nito, ang mga operatiba ng CCD ay nagsagawa ng operasyon upang mahuli si “D4rkJ1n”. Siya ay natagpuan sa isang opisina sa EDSA, Makati.

Gayunman, pagdating ng mga operatiba, tinangka ni “D4rkJ1n” na tumakas sakay ng isang motorcycle taxi.

Pagkatapos ng saglit nahabulan, nahuli rin si “D4rkJ1n” sa interseksyon ng EDSA at Main Avenue, Cubao, Quezon City.

Iniharap na sa inquest proceedings si “HAXINJA” para sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Data Privacy Act of 2012.

Sa kabilang banda, si “D4rkJ1n” ay mahaharap sa Electronic Commerce Act of 2000. Jocelyn Tabangcura-Domenden