Home NATIONWIDE ‘Buwis-buhay’ ramp ng MMDA, sirang NAIA aircon kinastigo sa Senado

‘Buwis-buhay’ ramp ng MMDA, sirang NAIA aircon kinastigo sa Senado

MANILA, Philippines- Matinding kinastigo ni Senador Grace Poe ang dalawang ahensya ng pamahalaan na mistulang nagpapahirap sa mamamayan sanhi ng kapalpakan ng serbisyo na dapat inayos o ginawan ng mahusay na pamamaraan.

Partikular na kinastigo ni Poe, chairman ng Senate committee on finance, ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Ninoy Aquino Intertionala Airport Authority (NAIA).

Sa magkakahiwalay na pahayag, unang inupakan ni Poe ang MMDA sa itinayong “buwis-buhay” na rampa o tulay para sa senior citizens at persons with disability na pawang hindi angkop sa normal na kaligtasan at kaayusan.

Ayon kay Poe, “sa halip na makatulong sa ating mga PWD na sumasakay sa bus, magiging buwis-buhay pa ang paggamit ng ramp na ito ng MMDA sa EDSA busway.”

“Kulang na kulang na tayo sa PWD-friendly facilities. Pero hindi ito dahilan para hindi pag-isipang mabuti ang mga ginagawang proyekto,” himutok ng senador.

Sinabi ni Poe na dapat kaagad ayusin ang rampa o tulay bago magkaroon ng aksidente.

“It’s exasperating to see millions in taxpayers’ money spent on projects like this that endangers safety and life,” giit ni Poe.

Aniya, dapat gumawa nang tama ang gobyerno sa paggamit ng pondo ng publiko, kundi masasayang lamang ang pera at hindi napagsisilbihan ang sektor na kailangan ng tulong.

Kasabay nito, matinding kinastigo din ni Poe ang NAIA sa pumalpak ng air-conditioning system na nagpapahirap sa pasahero, lokal man o dayuhan.

“Nakakalungkot na nararanasan ng pasahero ang sobrang init sa loob ng NAIA na dapat pinalitan ang cooling tower nang maaga,” ayon kay Poe.

Aniya, hindi “warm welcome” ang terminal na walang air-conditioning system na dapat makita ng manlalakbay sa paggamit ng paliparan o kapag dumating sila sa Pilipinas.

“Repairs or upgrades of any facility should be done without causing interruption to the regular operations of the airport and inconvenience to travelers,” ayon kay Poe.

“We hope the consortium in charge of the NAIA rehabilitation will bring a permanent solution to its poor state and give the Filipinos a world-class airport,” dagdag ng senador. Ernie Reyes