MANILA, Philippines — Posibleng muling sumirit ang presyo ng diesel sa susunod na linggo dahil sa panibagong tensyon sa Gitnang Silangan, matapos ang malaking bawas-presyo ngayong linggo.
Batay sa unang dalawang araw ng kalakalan sa Mean of Platts Singapore, tumataas ang presyo ng diesel at kerosene habang lumiit ang inaasahang rollback sa gasolina.
Sa kasalukuyang pagtataya, posibleng tumaas ng P4 kada litro ang diesel at P4.60 kada litro ang kerosene, habang maaari pa ring bumaba ng P0.70 kada litro ang gasolina.
May dalawa pang araw ng trading bago tuluyang maitalaga ang price adjustment sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Jetti Petroleum President Leo Bellas, posible pang lumaki ang dagdag-presyo sa diesel habang lalo pang lumiit ang rollback sa gasolina sa mga natitirang araw ng trading.
Samantala, sinabi ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Nino Juan na posibleng walang maging pagbabago sa singil sa kuryente ng Meralco at iba pang electric cooperatives para sa Hunyo 2026 sa kabila ng mga nagdaang yellow at red alerts sa Luzon grid.
Ayon kay Juan, wala pang abisong natatanggap ang ERC mula sa Meralco at iba pang electric cooperatives hinggil sa anumang taas-singil sa darating na billing period. Nauna nang inatasan ng ERC ang mga distribution utility na iulat ang anumang dagdag-singil na lalampas sa P1 kada kilowatt-hour upang mapag-aralan ang pagpapatupad nito nang paunti-unti para hindi mabigatan ang mga konsyumer.
Sinabi rin ni Juan na maaaring mapabilis ang pag-apruba sa petisyon ng Meralco na mag-refund ng humigit-kumulang P9 bilyon mula sa overrecoveries noong 2025. Kapag naaprubahan, maaaring magbunga ito ng bawas-singil na nasa P0.09 kada kilowatt-hour.
Nanawagan naman si Power4People Coalition lead convenor Gerry Arances kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ang kanyang emergency powers upang pigilan ang anumang pagtaas ng singil sa kuryente.
Aniya, hindi dapat ipasa sa mga konsyumer ang gastos na dulot ng pagsasara o paghinto ng operasyon ng transmission at generation facilities. Dave Baluyot