DUMAGUETE CITY — Pinaigting ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Negros Oriental ang pagbabantay sa mga pangunahing tindahan upang matiyak na nasa tamang presyo ang school supplies at iba pang gamit sa paaralan bago ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 8.
Ayon kay DTI Consumer Protection Division officer-in-charge at spokesperson Krystle Jade Bato, nagsimula na noong Abril ang monitoring at surveillance ng mga Balik Eskwela items.
“As early as April, we already started our monitoring and surveillance of Balik Eskwela items, such as notebooks, ballpens, pencils, and others, to establish a price guide that we will be releasing soon,” ani Bato.
Maglalabas ang DTI ng price guide upang matulungan ang mga mamimili na malaman ang karaniwang presyo ng mga school supplies at partikular na mga brand. Ipamamahagi rin ito sa mga retailer at ilalathala sa social media.
Noong Mayo 21, nagsagawa rin ang DTI ng Diskwento Caravan sa bayan ng Basay kung saan ibinenta sa mas mababang halaga ang ilang school supplies, uniporme at pangunahing bilihin. Isinabay ito sa pamamahagi ng ayuda sa mga magsasaka ng Department of Agriculture.
Sa halip na Diskwento Caravan sa Dumaguete City, nakipagtulungan ang DTI sa mga retailer para magbigay ng “in-house discount” sa piling produkto.
Sinabi ni Bato na wala pa silang natatanggap na reklamo ng overpricing kahit dagsa na ang mga estudyante, magulang at guro sa pagbili ng mga gamit para sa pagbubukas ng klase.
Hinimok naman ng DTI ang publiko na agad ireport ang anumang kahina-hinalang pagtaas ng presyo o iba pang iregularidad sa bentahan ng school supplies at kaugnay na produkto. Dave Baluyot