Home OPINION KARNE KALIMUTAN NA SA HAPAG KAINAN

KARNE KALIMUTAN NA SA HAPAG KAINAN

102
0

PWEDE kayang kalimutan na ang mga sariwang karne bilang pagkain?

Ito’y dahil bigla na lang naging P250 ang isang kilo ng manok, P420 ang isang kilong baboy at P464 ang isang kilong baka.

Sa mga palengke, katabi ng nasabing mga bagong katay na manok, baboy at baka ang mga karneng halata kung saan-saan lang galing at may presyong higit na mababa sa mga galing sa mga bagong katay na hayop.

Pero napakaputla at medyo malansa ang amoy ng mga karneng sabi’y imported umano o kaya’y double dead.

Sa litsong baboy, ang dating P600 sa isang kilo na pawang laman at balat ay nasa P800 hanggang P1,000 na kada kilo, depende sa uri ng litson.

‘Yung ulo na nguso, balat at utak lang ang makukuha mo ang nasa P600 kada kilo.Kapag talagang hirap ang tao sa pagkwenta ng kanyang kita laban sa mga bilihin na pagkain gaya ng mga karne, pwede namang magdelata na lang siya.

Kahit papaano, apordabol naman ang mga delatang manok, baboy at baka at hindi na uubos ang hirap na obrero ng napakamamahal na langis na pangluto gaya ng gaas at liquefied petroleum gas.

Meron din namang murang mga isda na nagkakahalaga lamang ng P100 kada kilo o kung gusto ng pamilya, maging vegetarian sila na kung saan, mura ang mga gulay sa ganitong tag-ulan, lalo na ang mga talbos, saluyot at iba pa.

Kung bakit tinatalakay natin ang mga presyo ng karne ay dahil hanggang ngayon, napakamahal pa rin ang bigas na ang presyo ay nasa P50-P65 bawat kilo.

Kapag pinagsama mo ang mahal na bigas at karne at ginawang pang-araw-araw na ulam ang karne, katakot-takot na utang na ang patutunguhan ng isang obrero kahit aabot pa sa minimum wage ang kanyang kita.

Paano na lang kung may nagkasakit o kung may mag-aaral na miyembro ng pamilya?

Tiis-tiis na lang sa kawalan ng pampadoktor ng maysakit at baon ng mag-aaral?

O kayong mga politiko na nagpapasikat kaugnay ng halalang 2025, anong say n’yo?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here