KAHAPON lang lumabas ang balita na isang oil tanker ang pinasabugan ng bombang dala-dala ng sea drone sa Red Sea ilang araw lang ang nakararaan.
Kinilala ang barko na CHIOS Lion na may dala-dalang krudo, gasolina o kaya’y diesel at nanggaling sa pier ng Tuapse, Russia nitong Hulyo 2 at pumasok sa Red Sea nitong Hulyo 11.
At pagdating ng Hulyo 15, dito na naganap ang pagbomba rito ng mga Houthi.
Mayroon kayang Pinoy na crew ang nasabing barko na makaraang mapasabugan ay klaro sa larawan na nagkaroon ng malaking sunog?
Sa totoo lang, nakatatakot ang pangyayari dahil hindi ordinaryo ang karga ng barko.
Alam na nating lahat ang mangyari kung may apoy na dadapo sa langis — tiyak na liliyab ang langis.
At ang liyab, kasimbilis ng kidlat na kakalat sa lahat ng dako na roon may langis.
Kahit sa katubigan, lumiliyab ang langis.
Paano magkaroon ng tsansa ang isang seaman na iligtas ang sarili sa kapahamakan o kamatayan sa ganitong kalagayan?
PATAY HUWAG NANG MADAGDAGAN
Gusto nating makarinig ng balita mula sa mga kinauukulan, partikular ang Department of Migrant Workers o kaya’y Overseas Workers Welfare Administration at iba pa.
Siyempre pa, kung makarinig o makabasa tayo ng balita ukol dito, hindi sana yung masama.
Yun bang === walang namatay na seaman, lalo na ang overseas Filipino worker.
Hangga’t maaari, hindi na madagdagan ang malungkot na balita ukol sa pagkamatay ng dalawang OFW na sakay ng True Confidence na tinamaan ng missile sa Gulf of Aden nitong nakaraang Marso.
Isa rin ang nawawala o missing at ipinalalagay na patay na ang isa pang OFW na crew ng MV Tutor nitong Hunyo habang naglalayag sa Red Sea.
Makaraan ding tamaan ng sea drone, lumubog ito ilang araw makaraan at wala nang balita ukol sa Pinoy na isang marine engineer.
MAHIRAP PIGILIN
Sa bibig ng mga Pinoy na ating nakakausap, hindi nila alintana ang mga panganib sa kanilang buhay at ipinalalagay nilang normal ang pagdating ng kamatayan.
Kahit nasa bahay umano sila o ibang lugar, bukod sa mga karagatan, maaari umanong tawagin sila ni Lord anomang oras.
Kaya sila nakikipagsapalaran kahit saan.
Ang pagbabarko sa labas ng bansa ay higit umanong kapaki-pakinabang dahil hindi lang doble o triple ang kanilang kita kumpara sa kanilang kinikita sa Pinas.
At ito umano ang ikinabubuhay at pinagkukunan ng magandang kinabukahan nila at ang kanilang mga pamilya.
Kitang-kita at damang-dama ang pagpupusta ng mga seaman, kasama ang land-based na mga OFW, ng kanilang buhay at nakikinabang na rin ang mismong pamahalaan sa mga remittance ng mga ito na nagkakahalaga ng mahigit isang trilyong piso taon-taon.
Kaya naman, nararapat lang na bigyan ng buong pagpapahalaga, lalo na sa parte ng gobyerno, ang mga seaman.
At kabilang sa mga aksyong pagpapahalaga ang pagkakaroon ng mabilis na pagbabalita ng gobyerno ukol sa kanilang kalagayan sa mga oras ng panganib.
Sa ganitong kalagayan, tiyak na makatutulong ang iba — kung hindi sa mismong mga OFW ay sa kanilang mga pamilya.






