MANILA, Philippines – Inaprubahan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang karagdagang seguridad kay Senador Sherwin Gatchalian matapos makatanggap ng death threats sa gitna ng imbestigasyon ng Senado sa illegal POGO sa bansa.
Sa panayam, sinabi ni Gatchalian, nangunguna sa pag-iimbestiga sa illegal activities ng POGO sa bansa na natuklasan sa ilang hub ng grupo sa Bamban, Tarlac; at Porac, Pampanga.
Aniya, dalawang beses siyang humingi ng seguridad kay Escudero simula nang uminit ang imbestigasyon sa POGO.
Una siyang humingi ng Seguridad sa kanyang pagsasagawa ng ocular visit sa POGO hub sa Bamban, Tarlac at pangalawa para “additional daily security.”
“Both were approved by [Senate President] Escudero,” ayon kay Gatchalian.
Sa ambush interview, pinasalamatan din ni Gatchalian si Escudero para sa karagdagang seguridad at tiniyak na kanyang babaguhin ang kinaugalian ng paggalaw sa gitna ng banta.
“I have to change also yung ating ginagawa. Katulad nga before, I used to go, kung may bibilhin ako sa mall, ako lang mag-isa. But ngayon, of course, meron nang security because of this,” aniya.
“Habang pinag-uusapan natin itong issue ng POGO, dapat mag-ingat kasi nakita ko yung mga torture na ginagawa at yung mga taong nandito. Hindi sila ordinaryong criminal syndicates, triad ito. At kung titignan natin yung kapasidad nila gumawa ng torture at pagkukulong, talagang dapat mag-ingat,” giit ng senador.
Pinagsabihan din ni Gatchalian ang lahat ng miyembro ng kanyang pamilya na magsagawa ng kaukulang hakbang sa gitna ng maraming banta.
Ngunit, tiniyak niya na patuloy siyang makikilahok sa imbestigasyon sa nilusob na POGO hub.
Nitong unang yugto ng linggo, pormal niyang humiling sa Philippine National Police (PNP) na iimbestigahan at magsampa ng kaukulang police report sa death threats sa kanya na kanyang pinaniniwalaang resulta ng kanyang papel sa Senate probe sa nilusob na POGO hub sa Bamban, Tarlac nan iniuugnay kay suspended Mayor Alice Guo.
Partikular na pinaimbestigahan ni Gatchalian kay Pasay City Police Sub-station Commander Police Major Paul Benjamin Mandane ang report sa video na kumakalat sa online na naglalaman ng “explicit threats” na ginagawa sa kanya.
Iniimbestigahan ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality is ang pagkaksangkot ni Guo sa nilusob na illegal POGO hub sa kanyang bayan.
Natuklasan ng Senado na peke ang ginamit ng pagkakakilanlan ni Guo kaya ito na nakatakbo bilang alkalde ng Bamban, Tarlac at hindi siya tunay na Filipino citizen. Ernie Reyes