Home NATIONWIDE Mandatory ROTC bill  pinarebyu ng LEDAC

Mandatory ROTC bill  pinarebyu ng LEDAC

162
0

MANILA, Philippines- Pansamantalang hindi muna tatalakayin ang pagbabalik ng mandatory Reserve Officers Training Corps Training (ROTC) bill upang isailalim sa muling pagsusuri dahil kapos sa impormasyon hinggil dito, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.

Sa panayam, sinabi ni Escudero na nananatili pa rin sa listahan ng priority measures ang ROTC bill.

“Yung ROTC bahagya ding napag-usapan at nais doon sa LEDAC na ito’y tingnan muli dahil kulang pa yung impormasyon kaugnay niyan,” ayon kay Escudero.

Aniya, na pantay ang tingin sa lahat ng priority bill, may iba na mas priority kaysa sa iba. Halimbawa dito, aniya, ang isinantabing PIFITA or Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act.

“Nagbabago din kasi may ilang mga panukalang batas na priority at in-identify na priority noon subalit doon sa pinakahuling LEDAC ay tila hindi na o hindi na muna. Kabilang na yung if I’m not mistake…yung PIFITA. Identified siya as priority measure, it’s a tax measure but which Secretary Recto identified as perhaps more tax-eroding than enhancing. Ang usapan napagusapan noong LEDAC ay medyo iba-backburner siya,” paliwanag ni Escudero.

Sinabi pa ni Escudero na hinihintay pa ng Senado ang mas maraming detalye sa panukalang amendments sa Electric Power Industry Reform Act at panukalang mining law.

“Matagal nang pinag-uusapan…pero wala pa namang tunay na laman kaugnay ng partikular na mga probisyong aamyendahan sa EPIRA. Ganoon din yung mining act, may inaprubahang bersyon ang Kamara pero ito’y nanggaling at nagmula sa isang mambabatas na di naman talaga galing sa Palasyo sa departmento o sa Malakanyang yung nilalaman noon,” ani Escudero.

“May mga panukalang batas din naman na hinihintay pa natin yung laman kung kaya’t di lamang yung simpleng pagpasa ng Kamara ang maging batayan o hindi pagpasa ng Senado,” dagdag ng senador.

Wika ng mambabatas, mas gugustuhin niya ang pag-aaral at pagrebyu sa mga panukala nang malalim upang matiyak na walang maibabasurang batas na inaprubahan ng Kongreso.

“Ayokong pangunahan pa rin pero nauna na yung LEDAC bago ang SONA ng Pangulo so siguro madali niyo nang hulaan kung ano ang ilalaman ng talumpati ng Pangulo kaugnay ng mga panukalang batas na gusto niyang mapasa at matalakay nitong darating na Third Congress,” ani Escudero.

Nakatakdang ipanukala din niya na magkaroon ng sesyon tuwing Huwebes, kumpara sa kasalukuyang Lunes-Miyerkules na plenary session upang talakayin ang local bills at hindi masyadong masalimuot na national bills.

“Noong ako’y nasa Kamara din may session kami tuwing Huwebes pero para sa local bills at para doon sa mga kahit national bill na pag-aagreehan ng lahat na hindi naman kontrobersyal at di naman kailangang pagtalunan at pag-awayan… Umaasa ako at hihilingin ko sa aking mga kasamaha na ito’y magawa namin para nga mula 70 maging 93 araw yung aming sesyon sa pagtatrabaho” ani Escudero. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here