Bulacan – Arestado ng mga awtoridad ang lalaking nanloob at nangulimbat habang nakatakas ang kasamahan niya nang tulungan ng dalawang babae sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek na si John Dave Carter, binata, 35, construction worker, residente ng Pabahay 2000, Brgy. Muzon.
Sa report ng SJDM police station kay Bulacan Police director PCOL. Relly Arnedo, naganap ang insidente bandang 2:00 ng tanghali nitong Hulyo 19 sa Brgy. Muzon South.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, pauwi ang biktimang ginang na isang online seller nang mamataan ang dalawang lalaki sa loob ng kanyang bahay.
Dali-daling humingi ng saklolo ang biktima sa mga Brgy. Tanod na agad rumesponde sa lugar kaya nahuli ang suspek na si John Dave subalit nakatakas ang kasamahang si alyas Neil John.
Humingi na rin ng tulong ang mga tanod sa mga awtoridad na agad nagsagawa ng follow up operation sa impormasyong pinagtaguan ng suspek na bahay ng isang nagngangalang Rachel.
Nang matunton ng mga awtoridad ang suspek sa bahay ni Rachel ay agad isinara ang pinto ng isang nagngangalang Mary Grace na naroroon at tuluyan nila itong pinatakas sa likuran.
Dahil dito, nagulantang ang dalawang babae nang arestuhin ng mga awtoridad sa kasong obstruction of justice.
Narekober naman ang brown pouch na may lamang cellphone at dalawang ID ng biktima sa unang naarestong suspek na nahaharap sa kasong robbery. Dick Mirasol III