MANILA, Philippines – LAGLAG sa selda ang dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos malambat ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang naarestong mga suspek na sina alyas Kalbo, 27, at alyas Glenn, 62, kapwa residente ng lungsod.
Ayon kay Col. Cortes, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Genere Sanchez ang buy bust operation kontra sa mga suspek matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga ito.
Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit isang sachet ng droga ay agad silang dinakma ng mga operatiba dakong alas-12:40 ng hating gabi sa Badeo 4, Brgy. San Roque.
Nakuha sa mga suspek ang nasa 5.27 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P35,836.00 at buy bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Rene Manahan