Home METRO Wanted na ‘rapist’ arestado sa Caloocan

Wanted na ‘rapist’ arestado sa Caloocan

MANILA, Philippines – NASAKOTE ang isang lalaki na wanted sa dalawang bilang ng kasong panggagahasa sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Caloocan City.

Sa ulat ng District Special Operation Unit (DSOU) kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguang lugar ng 35-anyos na akusado na residente ng Malabon City at nasa top 10 most wanted person ng Region 5.

Kasama ang NPD-DID at RID Region 5, nagsagawa ang mga operatiba ng DSOU ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusdo dakong ala-1:00 ng hapon sa kahabaan ng Sabalo St., Brgy. 12, Caloocan City.

Ani pulisya, binitbit nila ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Rima Orbon Ortega ng Family Court, Branch 7, Iriga City, Camarines Sur noong January 30, 2024, para sa kasong Statutory Rape, two (2) counts under RA 11648.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng DSOU-NPD habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman. Rene Manahan