Home OPINION PASIMPLENG PANANAKOP SA EXCLUSIVE VILLAGES 

PASIMPLENG PANANAKOP SA EXCLUSIVE VILLAGES 

137
0

SA nakalipas na mga linggo, itinampok sa mga balita ang pagdagsa sa bansa ng mga mainland Chinese na sangkot sa mga iligal na aktibidades. Sentro ng usapan ang mga eksklusibong subdibisyon tulad ng Multi-National Village at Ayala Alabang.

Gayunman, nakabibingi ang pananahimik ng mga nasa pinakamamahaling subdibisyon sa Makati. Iniulat ng ilang kaibigan na namataan mismo sa Forbes Park, Urdaneta Village, at Magallanes ang ilang Chinese na umuupa ng mga bahay doon at napakamahal ng kanilang renta, kuntodo display ng mga mamahaling SUVs at sangkatutak na bodyguards.

Hindi ito tungkol sa pakikisama sa mga dinatnan sa lugar, kundi pagpapakilala sa kanilang mga sarili bilang “untouchables”.

Nakababahalang case study 

Halimbawa na lang, ang Magallanes Village, kung saan isang kaibigan ko ang nag-ulat na isang Chinese tenant ang lumabag sa mga panuntunan ng Home Owners’ Association sa nakalipas na taon.

 Binisita ng mga operatiba ng isang investigation agency ng gobyerno ang opisina ng HOA para takutin ang mga empleyado nito bilang pagtatanggol sa nasabing dayuhan.

 Nang umabot na sa demandahan ang insidente at nanalo sa kaso ang HOA, naging hudyat na dapat ito sa gobyerno upang paigtingin ang pag-iimbestiga laban sa mga kaduda-dudang dayuhan sa ating bansa.

 Pero batay sa napag-alaman ko, walang anomang pagmamanman na ginagawa laban sa mga aktibidad ng nasabing Chinese tenants kahit pa malinaw na agresibo ang asal ng mga ito.

 Delikado ang kawalang pakialam na ito. Kung kinakailangan pa ang isang high-profile incident para lang kumilos ang kinauukulan, paano pa kaya inaaksiyunan ng ibang subdibisyon ang anomang kahina-hinalang ginagawa ng mga dayuhang tulad nito sa kanilang komunidad?

Koneksyon sa POGO

Ngayong mismong Kongreso na ang nagbunyag sa mga iligal na gawain ng POGOs, na sinusuportahan ng mga armado at delikadong mainland Chinese, mahalaga para sa gobyerno at sa mga lokal na pamahalaan na tugaygayan ang mga dayuhang ito na umuupa sa mga eksklusibong subdibisyon sa Makati at maging sa mga mamahaling condo.

 Ang hindi nasisilip na presensiya ng mga potensiyal na kriminal sa mga ganitong high-security zones ay maituturing na bombang delikadong sumabog anumang oras. Dapat na umaksiyon ang ating gobyerno at siguruhin na ang mga nabanggit na lugar ay hindi magiging kanlungan ng mga ilegal na aktibidad. Kailan ba pakikinggan ng gobyerno ang napakaraming panawagan, kahit pa mula sa mismong mga naglilingkod sa pamahalaan, para siyasatin ang mga kaduda-dudang gawaing ito ng mga kahina-hinalang dayuhan?

Mahahalagang lugar na pangseguridad

Gayundin, huwag nating balewalain ang estratehikong importansya ng kinapupwestuhan ng mga lugar na ito. Ang Multinational Village sa Paranaque City ay napakalapit sa Villamor Air Base. Ang paliparang iyon ay isa sa pinakamadalas gamitin bilang departure at arrival terminals ng walang iba kundi ang Presidente ng bansa tuwing siya ay nagbibiyahe.

 At maging ang Makati, ang Central Business District ng bansa, at ang mga subdibisyon nito, tulad ng Magallanes Village, ay sobrang lapit naman sa Ninoy Aquino International Airport.

 Ang presensya ng mga posibleng kriminal sa mga subdibisyong ito malapit sa high-security zones ay lubhang nakaaalarma. Ang pananahimik at kawalang aksyon ay hindi lamang nakapagtataka; higit sa ano pa man, delikado. Hindi tamang tutulog-tulog ang gobyerno sa mga gaya nito na posibleng banta sa pambansang seguridad.                                                                                                              *         *         *

 SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here