MANILA, Philippines- Na-trap ang 15 indibidwal matapos bumigay ang pader sa Cainta, Rizal, dahil sa walang humpay na ulan nitong Miyerkules ng gabi.
Batay sa ulat, nasagip ng mga awtoridad ang mga biktima sa gitna ng lampas-taong baha na tumama sa komunidad ng Tribu sa Barangay San Isidro.
“Isolated yung lugar tapos nawalan ng kuryente. Lagpas tao ang tubig. Nakuha namin lahat, sumama lahat, dinala namin sa evacuation center,” pahayag ni Eric Arevalo, Cainta Rescue, Chief.
Bagama’t tumigil na ang ulan, halos lahat ng residential areas sa kahabaan ng Imelda Avenue ay lubog pa rin sa baha.
Pansamantalang ginawang parking lot ang gilid ng kalsada para sa mga sasakyan ng mga residente.
Marami ang hindi makaalis ng kanilang tahanan dahil mataas pa rin ang baha.
“Matagal humupa ngayon ang baha, dati sandali lang, ang Vista Verde Phase 1 dati wala, ngayon meron na. Ano dahilan? Dumami bahay, at the same time, may nag-overflow ang creek, nagbaba-backflow samin,” base kay Barangay Chairman Ricardo Licup.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Cainta, 85 hanggang 90 porsyento o mahigit 200,000 ong mga residente ang apektado ng bagyo.
Anito pa, mayroon silang pumping stations na mahigit 24 oras ginagamit, upang pahupain ang baha sa lalong madaling panahon.
“Naka-depend ‘yan sa Marikina River. Pag tumaas ito, ‘yan ang affected. Yung kabilang problema ko, yung nasa Barangay San Isidro, ‘yun naman nanggagaling ang higher slopes ng Rizal, na sinasalo ng mga creeks, ng mga subdivision along Imelda Avenue,” wika ni Municipal Administrator Kit Nieta.
Batay sa datos mula sa Rizal police, tatlong indibidwal ang nasawi matapos makuryente.
Anim naman ang sugatan at isa ang nawawala dahil sa landslide, habang 12,300 pamilya ang nasa evacuation centers.
Sinabi ng Rizal provincial government na mayroong sapat na relief goods para sa mga apektado. RNT/SA