MANILA, Philippines – GINAWARAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Miyerkules si Supreme Court Chief Justice Alexander G. Gesmundo ng Order of Lakandula, Rank of Grand Cross (Bayani), sa isang seremonya sa Palasyo ng Malakanyang.
Personal na iginawad ng Pangulo kay Gesmundo ang sash at pin bilang pagkilala sa kanyang serbisyo at mga nagawa para sa sistema ng hustisya sa bansa.
Nakatakdang magretiro si Gesmundo sa Nobyembre 6 sa edad na 70. Itinalaga siya bilang Associate Justice noong Agosto 14, 2017 at naging Ika-27 Chief Justice noong Abril 5, 2021.
Sa kanyang panunungkulan bilang pinuno ng Hudikatura, pinanatili ni Gesmundo ang tuloy-tuloy na serbisyo ng mga korte, lalo na noong panahon ng pagbangon mula sa pandemya.
Kabilang sa kanyang mahalagang programa ang paggamit ng digital technology sa mga korte upang mapabilis ang pagproseso ng mga kaso at mapaganda ang serbisyo sa publiko
Isinulong din ni Gesmundo ang online at regionalized Bar examinations upang mas mapadali ang pagkuha ng pagsusulit ng mga nais maging abogado sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang seremonya kasama sina Acting Executive Secretary Ralph G. Recto, Justice Secretary Fredderick A. Vida at iba pang opisyal ng pamahalaan.
Noong Oktubre 20, sa pagbubukas ng Sulu Hall of Justice, binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan ng paglalapit ng serbisyo at hustisya sa bawat Pilipino.
Ayon sa Pangulo, makatutulong ang bagong gusali para mas mapadali ang pagkuha ng serbisyong legal ng mga mamamayan ng Sulu at mapalakas ang pagpapatupad ng batas sa lalawigan. KRIS JOSE