MANILA, Philippines- Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (Marina) na magsagawa ng joint investigation sa paglubog ng MT Terra Nova, na may kargang mahigit 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil.
“Nag-order na po si Secretary Jaime Bautista ng joint investigation ng Marina at ng Coast Guard,” sabi ni PCG spokesman Armand Balilo.
Ang MT Terra Nova, na may dalang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil, ay tumaob at tuluyang lumubog 3.6 nautical miles silangan ng Lamao Point, Limay, Bataan noong Huwebes.
Nagbabala ang PCG na kung tatagas ang lahat ng langis sa tanker, ito na ang magiging pinakamalaking spill sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sinabi ni Balilo na napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon na ang tanker ay naglayag bago ang paglabas ng public storm warning signal sa Bataan.
Nauna nang sinabi ni Limay Mayor Nelson David noong Biyernes na ang industrial fuel oil na karga ng tanker ay nanatiling intanct.
Sa kumpirmasyon ni Balilo, wala pang leak sa tangke ng barko.
“Base po sa trajectory ng langis vis a vis po ng hangin at saka po ng current ng dagat ang maaapetukhan po talaga ay itong Manila, Navotas, Bulacan, at Pampanga kung ito ay magli-leak. Kaya nag-coordinate na po tayo, nag dispatch tayo ng personnel doon sa mga areas na yan para mag-monitor po at makipag-ugnayan sa mga local government units.”
Sa nasabing insidente, 16 sa 17 crew ang nailigtas habang patay na nang matagpuan ang isa pa na naunang iniulat na nawawala.
Hiniling na rin ni Energy Secretary Raphael Lotilla sa private oil companies at kahalintulad na negosyo na suportahan ang pagsisikap na maagapan ang oil spill at tumulong sa apektadong komunidad. Jocelyn Tabangcura-Domenden