Home HOME BANNER STORY Harry Roque, binalaan; kakastiguhin sa pambabastos kay Hontiveros

Harry Roque, binalaan; kakastiguhin sa pambabastos kay Hontiveros

133
0
(Cesar Morales | Remate File Photo)

MANILA, Philippines – Nagbabala si Senador Sherwin Gatchalian nitong Lunes, Hulyo 29 kay dating presidential spokesperson Harry Roque na kakastiguhin matapos makapalitan ng maiinit na argumento si Senador Risa Hontiveros.

Ang babala na ito ng senador ay matapos na paulit-ulit na putulin ni Roque ang pagsasalita ni Hontiveros nang tanungin ito tungkol sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa mga ni-raid na POGO hubs.

“Atty. Roque, please be reminded to respect the chairperson,” ani Gatchalian.

Sa kabila nito, sinabi ni Roque na siya ay “very respectful” naman kay Hontiveros ngunit hindi sang-ayon dito si Gatchalian.

“Paanong respectful eh nagsasalita siya sinasabayan mo siya? One more and I will cite you in contempt and if you disrespect the chairperson, we’ll be compelled to cite you in contempt,” babala ni Gatchalian.

“‘Wag mo naman sabayan siya. Nagsasalita s’ya. Siya ang chairperson,” pagpapatuloy nito.

Kumalma naman si Roque at humingi ng tawad kay Gatchalian.

“Okay your honor. I understand. I apologize,” sinabi ni Roque.

Bago ang babala ni Gatchalian, tinatanong na ni Hontiveros si Roque tungkol sa kaugnayan nito sa mga ni-raid na POGO firm sa Porac, Pampanga–Lucky South 99– na nakapangalan pa sa dating presidential spokesperson ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang legal head ng organization chart na ipinasa sa Philippine Offshore Gaming Corporation para sa kanilang reapplication ng lisensya.

Inakusahan ni Roque si Hontiveros ng pagdidiin sa kanya bilang abogado ng Lucky South 99.

“Excuse me, the chair is not insinuating anything. The chair and the members of the committee have been asking questions based on the testimonies, sworn testimonies of PAGCOR Chair [Alejandro] Tengco, Atty. [Jessa] Fernandez of PAGCOR and other resource persons,” anang senador.

“I maintain as an officer of the courts and under oath before the Senate of the Republic of the Philippines that I have never acted as legal counsel for Lucky South 99 or for any other POGO,” tugon ni Roque.

Ipinaliwanag nito na sinamahan lamang niya si Katherine Cassandra Li Ong sa meeting kasama ang PAGCOR noong Hulyo 2023 dahil sa Whirlwind Corporation, ang nagpapaupa ng lupa kung saan itinayo ang POGO firm bilang kanyang kliyente.

Si Ong ang corporate secretary ng Whirlwind.

Samantala, ipinunto ni Hontiveros na ang topic sa pagpupulong kasama ang PAGCOR ay may kaugnayan sa Lucky South 99 at hindi ang Whirlwind Corporation.

Sumang-ayon si Roque kay Hontiveros ngunit ipinaliwanag na ang Whirlwind ay service provider din ng Lucky South 99.

“Wala po tayong ebidensya na nagpapakita kung sino nagsubmit talaga ng dokumento pero PAGCOR can confirm kung sino talaga nagsubmit ng mga dokumentong yan,” giit ni Roque.

“Due diligence, bilang abogado don sa mga diskusyon na ‘yon, alam niyo kung ano yung mga dokumentong sinumite. Alam niyo yung mga official attachment na nakalagay don,” ayon naman kay Hontiveros.

Sa puntong ito, kinompronta na ni Roque si Hontiveros.

“Madam, nagagalit po kayo dahil sinasabi niyo, [binibigyan] ko ng mga salita ang inyong mga bibig… pero ngayon po sinabi niyo, you again insinuated that I have anything to do with the document,” aniya.

Pinutol din ni Hontiveros si Roque at sinabihan na tigilan na ang paggamit ng offensive na mga salita katulad ng “insinuating.”

“Nalaman ko lang po ang pangalan ko na nasa chart during the last hearing. Ang sinasabi ko po under oath and as an officer of the court, hindi ko po in-authorize ang paglagay ng pangalan ko doon. Wala pong kinalaman sa paggawa ng dokumento na ‘yan at wala pong kahit anong testimonya na nagsasabi na pumayag po ako and I deny that under oath,” ayon kay Roque.

“I’m sorry, madam, but I’m a resource person invited. I was asked to answer. Hindi ko po maintindihan pag gusto niyo akong tumigil, papatigil niyo ako pag ako nag-e-explain. I thought we are engaged in the search for the truth,” dagdag pa nito.

Iginiit ni Hontiveros na si Roque ay “already answered in excess.”

Nagtapos ang mainitang argumento nina Hontiveros at Roque sa pagpapaalala ng una na manatili sa pagsagot sa mga tanong ng mga senador.

“All I am saying is there is no need for any resource person to cite the rules of the Senate to a Senate committee. We know that. So please just answer the questions which are being asked of each resource person at length with an embarrassment of time para masagot niyo ‘yung mga tanong,” ani Hontiveros.

“Please stick to the topic and do not lecture a Senate committee about the rules of the Senate committee we know that. We correct ourselves kung lumalabag kami don,” dagdag pa niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here