MAKARAANG dumanas ng matitinding pagbaha ang mahal kong Pinas sa pagdating ng bagyong Carina at habagat, sari-sari naman ang reaksyon ng mga awtoridad.
Para sa Department of Public Works and Highways, ang sobrang dami ng tao ang isang malaking dahilan, partikular sa Metro Manila na may 15 milyong residente kaya pati mga ilog, sapa at iba pang dinadaluyan ng tubig ay sinasakop na ng mga tao.
Pareho ang DPWH at ang Metro Manila Development Authority sa pagsasabing napakalaki ring bara sa pagdaloy ng tubig ang mga basurang itinatapon kung saan-saan ng mga mamamayan at napaparalisa o nasisira pati ang mga pumping station kapag basura na ang hinihigop ng mga ito sa halip na tubig para itapon palabas.
Paliwanag naman ng Department of Environment and Natural Resources, nawawala ang mga natural na lugar na tagasipsip ng tubig bunga ng kawalan ng maayos na pagpaplano para sa urban development.
CLIMATE CHANGE?
Mismong si Pangulong Bongbong Marcos ay naniniwala na climate change ang isang dahilan ng baha.
Sa climate change, kung umulan o bumagyo, sobra-sobra na kaya naman naririyan ang mga sobrang pagbaha tuwing may malakas o tuloy-tuloy na ulan, La Niña, bagyo at habagat.
Paliwanag ng mga siyentista, nagaganap ang climate change, partikular ang pag-iinit ng mundo, pangunahin dahil sa polusyon sa kalangitan na binubuo karaniwan ng carbon dioxide at methane.
Binabarahan ng polusyon ang init ng araw na normal sanang lalabas ng earth pagkatapos na pumasok ito.
Nakapayong sa earth ang carbon dioxide at methane gas na higit na gawa ng tao kaysa kalikasan.
Karaniwang nanggagalingan ang carbon dioxide sa tambutso ng mga sasakyan at simboryo ng mga pabrika at planta ng kuryente na gumagamit ng mga uling o langis sa pagpapaandar ng kanilang mga makinarya.
Ang methane gas naman, nanggagaling sa natural gas na pampaandar din ng mga planta ng kuryente at sasakyan, dighay ng mga hayop gaya ng baka, kalabaw, karnero at kambing, landfill o basurahan at mga puno sa mga latian o katubigan.
Kung totoo na climate change ang isang malaking dahilan ng sobrang mga pagbaha, may dapat tayong gawin.
MAGTANIM NG PUNO, HUWAG KALBUHIN ANG PINAS
Dati-rati, napakayaman ang Pinas sa punong-kahoy kaya nga sinasabi ng mga Kano noong kasisimula lang nilang kolonyahin tayo na may pagkukunan na sila ng 100 taong suplay ng kahoy.
Kaya nauna silang nag-logging sa Pinas at sumunod na rito ang ibang mga logger at politikong may logging concessions, at lalong lumala ang pagkakalbo ng mga kagubatan sa pagdami ng mga pabrika, housing subdivision, golf area, imprastraktura at commercial na mga pagkain gaya ng saging, pinya, tubo at iba pa.
Para malaman natin, 50 porsyento ng punong-kahoy ay tubig. Ginagawa ring pagkain ng mga punong-kahoy ang carbon dioxide at methane gas.
Nang mawala ang milyon-milyong punongkahoy na sumisipsip ng ulan at tubig-baha at kumakain sa polusyong nagpapainit ng mundo, kung umulan at bumagyo, gayun na lang ang bunga ng mga ito na pagbaha.
Kaya naman, dapat tayong magtanim ng puno at maglaan at magmantine ng lugar para sa mga puno sa halip na kalbuhin ang Pilipinas para sa iba’t ibang layunin at proyekto.






