DAPAT kumilos ang gobyerno nang nararapat para hindi tuloy-tuloy ang kasalukuyang bagsak na ekonomiya ng mahal kong Pinas at mabibigat na problema sa napakataas na presyo ng mga produktong petrolyo at laki ng utang ng pamahalaan… na labis ngayong ikinahihirap ng mga mamamayan.
TAAS-PRESYO SA LANGIS
Sa tantiya ng mga nasa industriya ng langis, maaaring magpapatuloy hanggang sa katapusan ng taon ang mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa ngayon, lagpas na sa P100 bawat litro ang diesel, gasolina at kerosene at ayon sa pamahalaan, magdadagdag ang liquified petroleum gas ng P100-P250 bawat tangke sa Oktubre.
Simula noong Marso, higit nang naglaro sa humigit-kumulang P100 kada litro ang mga produktong petrolyo linggo-lingo at bihira ang pagkakataong bumaba ito sa kulang sa P100 kada litro.
Bago magtapos ang Pebrero 2026, matatandaang naglaro lang sa P56 ang bawat litro kaya nagdoble na ang presyo ngayon.
TRANSPORT GROUPS UMAANGAL NA
Tanging ang mga kompanya ng barko ang pinayagang magtaas ng pamasahe sa tao at kargo simula nang manalasa ang masamang epekto ng sobrang taas na presyo ng langis.
Dahil sa kawalan ng pagtaas ng pamasahe, umaangal na ang lahat na panlupang pampublikong transportasyon.
Ang mga Tricycle Operators and Drivers Association, samahang jeepney operators and drivers, Metro Bus Consortium na kasali sa biyaheng busway sa EDSA, at provincial and city bus operators.
Anila, may mga huminto na sa biyahe sa pagkalugi habang ang iba, hindi na pinabibiyahe nang regular ang kanilang mga sasakyan.
Maging mga pribadong trucker at delivery rider, umaangal na rin.
TAAS-PASAHE, TAAS-PRESYO VS AYUDA
Ayon sa transport groups, bagaman nakatutulong ang mga ayuda, hindi sapat at patay-sindi ito at hindi lahat nakikinabang kaya mas gusto nilang magtaas na lang ng pamasahe para makabawi sila ng sobrang pagkalugi at kumita naman na panlaban sa paghihirap at gutom.
Sa pangkalahatan, dahil nagbubunga ang mahal na langis, naririyan na rin ang pagtaas ng presyo ng lahat ng bilihin na nagpapahirap hindi lang sa mga nasa transport sektor kundi maging sa mga mamamayan.
UTANG AT PAMBAYAD UTANG
Sa ngayon, malapit nang maging P20 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas habang tinitipa ito.
Ang masakit, mga Bro, gumagastos tayo ng napakalaki para impambayad sa utang.
Para sa 2026, may kabuuang utang ang pamahalaan na ₱2.704 trilyon na binubuo ng ₱950.0 bilyon para sa interes at P1.05 trilyon sa principal at sa 2027, magbabayad tayo ng kabuuang ₱2.704 trilyon na binubuo ng ₱1.114 trilyon para sa interes at P1.590 para sa principal.
Sa laki ng binabayaran dito, nasa P5 trilyon na lang ang ginagastos ng gobyerno para sa mamamayan para sa nasabing dalawang taon.
UTANG, PONDO KINIKIKBAKAN
Sa bibig mismo ni Pangulong Bongbong Marcos sa isa niyang SONA, kinikikbakan o ninanakaw o ninanakawan ang mga utang at kinikikbakan din ang mga natitirang pondo ng gobyerno.
Sa magkakambal na palo ng sobrang taas presyo ng mga produktong petrolyo at kikbakan sa utang at pondo ng pamahalaan, talaga namang hilahod ang ating pambansang ekonomiya.
Kinakambalan pa ang mga ito ng taas-presyo ng mga bilihin.
Ano-ano ba ang mga dapat gawin para maligtas naman tayo sa mala-impiyernong kalagayan ng ating ekonomiya at pamumuhay?






