MANILA, Philippines — Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) Huwebes ng umaga, Setyembre 24, ang tropical depression sa silangan ng Southeastern Luzon at posibleng lumakas hanggang typhoon category sa weekend, ayon sa PAGASA.
Sa 5 p.m. weather advisory nitong Miyerkules, sinabi ng PAGASA na posibleng pumasok sa PAR ang tropical depression bandang alas-8 ng umaga. Tatawagin itong Queenie kapag nasa loob na ng PAR.
Inaasahan ding lalakas ang sama ng panahon bilang tropical storm bago umabot sa typhoon category pagsapit ng Sabado.
Dakong alas-3 ng hapon, namataan ang sentro ng tropical depression sa layong 1,810 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kph habang kumikilos pahilaga-hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.
Ayon sa PAGASA, nananatiling mababa ang posibilidad na direktang tumama sa Extreme Northern Luzon ang bagyo, bagama’t hindi pa tuluyang inaalis ang landfall scenario dahil sakop pa rin ito ng forecast cone.
Posible namang maranasan ang malalakas na hangin at pag-ulan sa Batanes, eastern Cagayan at Babuyan Islands pagsapit ng Linggo o Lunes kahit hindi direktang mag-landfall ang bagyo. RNT