Home OPINION MAPANGANIB PAGBALI SA KONSTITUSYON

MAPANGANIB PAGBALI SA KONSTITUSYON

1
0

NAKABABAHALA ang sinabi dati ng isang senador na maaaring “baluktutin ang batas” kung minsan kapag ito ay kinakailangan para raw sa interes ng publiko.

Interes ng publiko o interes lang nila ng kanyang mga kakampi?

Kaya Inimbitahan ng Impeachment court ang tatlong retiradong mahistrado bilang amici curiae para magpayo sa kinakailangang bilang ng boto sa kasalukuyang Impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ngayon, tila ginagamit ang mga mahistrado upang bigyang-katwiran ang paglabag sa malinaw na nakasaad sa Konstitusyon.

Bakit kailangan ng tulong ng mga retiradong mahistrado? Bakit hindi na lang kinuha ang mga aktibo o ang opinyon mismo ng Korte Suprema?

Ang Korte Suprema, bilang tagapangalaga ng ating Konstitusyon, ang dapat na magbigay-linaw sa mga usaping may kinalaman sa kahulugan ng ating mga batas.

Hindi ng mga retiradong miyembro nito…hindi ng mga opinyong nais palitan ang malinaw na nakasulat sa Saligang Batas.

Nakapagtataka tuloy kung bakit pumayag ang mga retiradong mahistrado na “masira ang kanilang pangalan” sa isang pampulitikang proseso.

Sinuri muna sana sila. Ano ang kanilang kiling sa kasalukuyang pulitika? May pagkiling ba sila kay Bise Presidente Duterte o sa pamilya Duterte? Mayroon bang ugnayan o negosyo sa gobyerno na maaaring makaimpluwensya? Sino ang pumili sa kanila — kusang-loob ba sila o pinili ng isang panig?

Friends of the court nga ba talaga sila o baka kaibigan lang sila ng sinoman na may ikinukubling interes kapag pumanig sa kanilang nais ang hatol kay VP Sara?

Alam nating mahuhusay sa batas ang mga amici curiae ngunit nakapangangamba para sa hinaharap ang imbitasyon sa kanila.

Ang “paggamit sa kanilang reputasyon” upang magbigay ng pananaw sa isang desisyong maaaring labag sa diwa ng ating Saligang Batas ay isang panganib na hindi dapat balewalain.

Sa huli, hindi ito tungkol sa iisang tao — ito ay tungkol sa ating bansa.

Kapag ang mga pinagkakatiwalaang tagapangalaga ng batas ay nagiging kasangkapan sa pulitika, sino pa ang maniniwala na ang katarungan ay umiiral sa ating bayan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here