Home OPINION KAPAG SARILI LANG INIISIP

KAPAG SARILI LANG INIISIP

1
0

SAFETY First. Madalas na mabasa at marinig. Dalawang huling salita ng pamagat ng ating kolum. Pero paano magiging ligtas ang isang lipunan kung ang bawat isa ay sarili lamang ang iniisip?

Paano magkakaroon ng tunay na pag-unlad kung wala nang pagbibigayan, malasakit at bayanihan? ‘Eh talaga namang napakahirap, dear readers.

Samahan ninyo akong magsuri. Hindi sapat ang helmet para maging ligtas sa kalsada kung walang disiplina ang motorista. Hindi sapat ang fire extinguisher kung may taong pabaya sa paggamit ng kuryente. At hindi sapat ang mga batas kung walang malasakit ang tao sa kapwa.

Ganoon din sa negosyo. Halimbawa, kapag mataas ang interest rate, nagmamahal ang presyo ng kuryente, kasunod nito ay ang pag-angat ng presyo ng raw materials at iba pang gastusin. Natural lamang na protektahan ng negosyante ang kanyang negosyo at kita. Sumabay pa ang krisis dala ng sigalot sa gitnang silangan.

Pero hanggang saan? Kung lahat ng dagdag-gastos ay ipapasa agad sa konsyumer, maaaring dumating ang punto na hindi na kayang bumili ng customer. Kapag hindi na siya makabili, maaapektuhan ang kanyang sariling negosyo. Kapag naapektuhan ang kanyang negosyo, maaaring mabawasan ang kanyang production at empleyado. Dito nagsisimula ang ‘domino effect.’

Ang dating regular na customer ay mawawala. Ang supplier ay mawawalan ng buyer. Ang maliliit na negosyong umaasa sa supplier ay maaapektuhan din. Hanggang sa ang negosyong pilit pinoprotektahan ay maaari ding mawala sa merkado.

Hindi naman ibig sabihin na kailangang isakripisyo ng negosyante ang kanyang kita. Ang kailangan lamang ay balanse, malasakit, positibong pananaw at pag-iwas sa desisyong makapipinsala sa mas nakararami.

Ang negosyo ay hindi nabubuhay nang mag-isa. May supplier, empleyado, customer, at komunidad.

Sa totoo lang, tayo-tayo rin ang magkakaugnay.

Ang tunay na safety ay hindi lamang tungkol sa pag-iwas sa aksidente.

Ito rin ay pag-iwas sa mga desisyong maaaring magdulot ng pinsala sa sarili at kapwa.

Kung gusto nating umunlad, huwag nating hintaying bumagsak ang isa bago natin mapagtanto na konektado pala tayo.

Sa bayanihan, ang lahat ay may pagkakataong mabuhay. Sa kawalan ng malasakit, maaaring sabay-sabay tayong mawalan at malugmok sa mas malalim na kahirapan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here