CALAMBA, Laguna – Inilunsad ng Police Regional Office 4A (PRO4A) nitong Setyembre 24 ang B.E.S.T. School Alert and Rapid Response System, isang mekanismong naglalayong pabilisin ang pag-uulat ng emergency at agarang pagtugon sa mga insidente sa mga paaralan sa CALABARZON.
Pinangunahan ni PBGen. Dominic L. Baccay, regional director ng PRO4A, ang paglulunsad sa Camp BGen Vicente P. Lim sa Calamba City, Laguna, kasama si DepEd CALABARZON Regional Director Carlito D. Rocafort bilang guest of honor and speaker.
Nakabatay ang sistema sa B.E.S.T. Policing Framework na naglalayong palakasin ang koordinasyon ng pulisya, mga paaralan at iba pang katuwang na ahensya sa pagtugon sa mga emergency at insidenteng may kaugnayan sa school safety.
“Naniniwala ako sa sinabi ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal na ang kabataan ang pag-asang bayan, bilang lingkod bayan tungkulin natin protektahan sila at bigyan ng ligtas na kapaligiran kung saan sila maaaring matuto, lumago, at mangarap, sa pamamagitan ng B.E.S.T. School Alert and Rapid Response System, ipinapakita natin na narito ang pulisya upang protektahan at suportahan ang ating kabataan,” ani Baccay.
Isinagawa rin ang system demonstration at simulation exercise sa PRO4A Regional Command Center, kung saan ipinakita ang pagtanggap ng emergency alert, koordinasyon ng mga responder at mabilis na pagtugon sa insidente.
Binigyang-diin naman ni Rocafort ang kahalagahan ng mabilis na komunikasyon at pagtutulungan ng sektor ng edukasyon at law enforcement para mapanatiling ligtas ang mga paaralan.
“Ang kaligtasan sa paaralan ay nangangailangan ng mabilis na komunikasyon at sama-samang pagkilos, ito ang common denominator natin, ang mga batang ating pinoprotektahan ay maaaring sarili nating anak, kapatid, pamangkin o kamag-anak, kaya sa pamamagitan ng sistemang nito, pinapalakas natin ang ating koordinasyon upang matiyak ang kanilang kaligtasan at agarang matugunan ang anumang sitwasyong nangangailangan ng tulong at proteksyon,” ani Rocafort.
Kabilang sa mga nakiisa sa paglulunsad ang NAPOLCOM, DILG, CHED, TESDA, OCD, DICT at BFP CALABARZON, gayundin ang mga federation ng Parents-Teachers Associations.
Layunin ng PRO4A na patuloy na palakasin sa pamamagitan ng sistema ang school safety at emergency response sa CALABARZON. ELLEN APOSTOL