MANILA, Philippines – Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chair George Garcia na mahigit 5 milyong rehistradong botante ang tinanggal sa kanilang listahan dahil sa hindi pagsali sa huling dalawang magkasunod na botohan gayundin sa iba pang dahilan.
Ang bilang ay mas mataas kaysa sa tatlong milyong bagong botante na inaasahan ng poll body na idagdag sa listahan ng mga botante sa pagtatapos ng anim na buwang panahon ng pagpaparehistro sa Setyembre 30.
Nitong Hulyo 27, naiproseso na ng Comelec ang halos 4.7 milyong voter registration applications.
Gayunman, ang mga aplikasyon ay nakabinbin pa rin ang pag-apruba o hindi pag-apruba ng mga election registration board (ERBs).
Sinabi ni Garcia, sa isang mensahe sa mga mamamahayag noong Linggo, na ang ERBs sa buong bansa ay nag-deactivate ng kabuuang 5,105,191 rehistradong botante at nagtanggal din ng 248,972 katao mula sa pambansang listahan ng mga rehistradong botante.
Karamihan sa deactivated voters ay bigong makilahok sa magkasunod na dalawang botohan — ang May 2023 national at local elections at ang October 30, 2023 BSKE.
Ang ilan, sa kabilang banda, ay na-deactivate ayon sa utos ng korte. Nabigo ang iba na patunayan ang kanilang mga rekord, nawala ang kanilang pagkamamamayan, o nahatulan dahil sa isang malubhang pagkakasala.
Ang pagpaparehistro ng isang botante, samantala, ay tatanggalin kung ang kanilang mga fingerprint batay sa Automated Fingerprint Identification System ay makikitang kapareho ng ibang tao.
Ang iba pang dahilan ay kamatayan, gaya ng kinumpirma ng mga local civil registrars, o kung ang botante ay may doble o maramihang mga rekord sa antas ng lungsod o munisipyo.
Naghahanda ang Comelec para sa tatlong botohan sa susunod na taon. Ito ay ang national at local elections sa Mayo, ang Bangsamoro parliament elections na nakatakda sa parehong buwan at BSKE sa Disyembre. Jocelyn Tabangcura-Domenden