MANILA, Philippines – Posibleng umabot sa Metro Manila ang oil slick mula sa lumubog na Motor Tanker (MT) Terranova sa Limay, Bataan ngayong Martes, Hulyo 30, ayon sa University of the Philippines Marine Science Institute (UP MSI).
Sa bulletin, sinabi ng UP MSI na ang forecast ay batay sa oil trajectory model, na gumagamit ng “surface velocity fields from Global Ocean Physics Analysis and Forecast and surface winds from the National Center for Environmental Prediction Global Forecast System.”
Matatandaan na lumubog ang MT Terranova noong Huwebes, Hulyo 25 karga ang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil.
Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, ang oil slick mula sa lumubog na motor tanker ay nakaabot na sa ilang coastal barangays sa probinsya.
Ito ay sa Ternate, Maragondon, Naic, at ilang bahagi ng Tanza.
Kinumpirma naman ng Philippine Coast Guard (PCG) na may tagas ang siyam na tank valves.
Anang PCG, naselyuhan na ang mga apektadong tanke at nagpapatuloy din sila sa pagmonitor ng sitwasyon. RNT/JGC