MANILA, Philippines- Hinimok ng National Bureau of Investigation (NBI) na sumuko sa awtoridad si suspended Bamban,Tarlac Mayor Alice Guo.
Panawagan ni NBI Director Jaime Santiago Kay Guo, maaari naman itong sumuko sa Senado at dumalo sa pagdinig.
Giit ni Santiago, walang problema na hindi naresolba, lahat ay maaayos.
Inihayag ito ni Santiago kaugnay ng banta ni Senator Jinggoy Estrada na tatapyasan ng 2025 budget ang NBI at Philippine National Police kapag mabigo silang maaresto si Guo.
Sinabi ni Santiago na bagama’t naglabas ang Senado ng arrest order laban kay Guo para sa hindi pagdalo sa pagdinig kaugnay sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), wala pa ring naisasampang kaso laban sa kanya.
Si Guo, gayunman, ay nahaharap sa reklamo para sa human trafficking sa Department of Justice kaugnay sa ni-raid na POGO hub sa kanyang lokalidad.
Ang kanyang citizenship ay kinukuwestiyon din dahil sa kanyang hindi magkatugmang mga testimonya tungkol sa kanyang background at ang mga umano’y kahina-hinalang dokumento tungkol sa kanyang pagkamamamayang Pilipino.
Sinabi rin ni Santiago na walang natanggap ang NBI na anumang feelers para sa pagsuko ni Guo.
Noong Lunes, sinabi ng NBI na may nakakita kay Guo sa Bulacan bago inilabas ang arrest order laban sa kanya.
Samantala, ang Office of the Solicitor General ay naghain ng quo warranto petition laban kay Guo, na maaaring magresulta sa kanyang pagkakatanggal bilang alkalde.
Naghain din ang OSG ng petisyon na naglalayong kanselahin ang birth certificate ni Guo. Kung kanselahin, mawawala ang kanyang pinakamahalagang ebidensya sa pagtatanggol tungkol sa kanyang pagkakakilanlan. Jocelyn Tabangcura-Domenden