MANILA, Philippines- Nakakita ang Philippine Coast Guard (PCG) ng napakaliit hanggang sa hindi napapansing kinang ng langis sa mga baybayin ng Maynila, Bulacan, Pampanga, Bataan, at Cavite kasunod ng paglubog ng isang oil tanker noong Huwebes.
Batay sa aerial survey ng PCG noong Martes, sinabi ng International Tanker Owners Pollution Federation Limited (ITOPF) na ang mga ulat sa social media na nagpapakita ng mga video o larawan ng kinang ng langis sa mga lugar na ito ay hindi nagpapahiwatig ng aktuwal na aerial view.
Gayunman, kinumpirma ng ITOPF na may oil sheens na naobserbahan sa ground zero — kung saan lumubog ang Motor Tanker (MT) Terra Nova.
Sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armando Balilo na gumamit ang PCG aerial survey team ng helicopter upang subaybayan ang mga baybaying ito.
Noong Lunes, ang mga barko ng PCG at mga kinontratang sasakyang pandagat ay patuloy na gumagamit ng water cannon upang alugin ang oil sheen at mapabilis ang epekto ng panahon sa mga apektadong lugar ng oil spill batay sa technical advice ng ITOPF.
Nagsimulang maglagay ng oil spill boom at improvised oil spill boom ang mga tauhan ng PCG at PCG Auxiliary (PCGA) sa mga lugar na inaasahang maaapektuhan ng pagtagas.
Sinabi ng PCG na magsisimula ang siphoning ng tanker sa loob ng isang linggo.
Sa ngayon, ini-reschedule ng PCG ang siphoning operation para selyuhan ang siyam sa mga valve ng barko na tumutulo ng langis. Jocelyn Tabangcura-Domenden