SINABI ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagbigay na ang Sana’a government sa Yemen ng kinakailangang medical assistance sa mga Filipino crew members ng MV Galaxy Leader na nagpapakita ng sintomas ng malaria.
Ayon sa DFA memorandum para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na may petsang Hulyo 30, kinumpirma ni Honorary Consul to Yemen Mohammad Saleh Al-Jamal na may ilang Filipino crew members ang nakararanas ng health issues lalo pa’t nagpakita na ang mga ito ng sintomas ng malaria.
Humingi naman ng tulong si Al-Jamal mula sa mga awtoridad ng Sana’a para palayain ang mga Filipino crew members, tinukoy ang humanitarian reasons dahil sa humihinang kondisyon ng kalusugan ng mga ito.
“In response, Sana’a authorities affirmed the provision of assistance by informing concerned officials in the Sana’a government and by sending specialized doctors to the vessel to carry out necessary medical procedures,” ang sinabi ng DFA kay Pangulong Marcos sa pamamagitan ng nasabing memo.
Ang Sana’a, kung saan ang mga awtoridad ang kumokontrol sa Houthis, ay ang kabisera at pinakamalaking lungsod sa Yemen.
“However, with regard to the release of the Filipino crew members, the Sana’a government responded that the case depends on external decisions; hence, negotiations and discussions are plausible for their fate and possible release.
The Sana’a government will discuss the issue and the case with the specialists and the Presidency of the Yemeni Republic under the Houthi government.” ayon sa DFA.
Sa ngayon, hinihintay naman ng Office of the Undersecretary for Migration Affairs ng DFA ang report ni Al-Jamal hinggil sa follow-up meeting sa pagitan nina Ambassador Ahmed Omar at mga kinatawan ng Yemeni Foreign Ministry sa Sana’a.
Nauna rito, tiniyak ni Pangulong Marcos nitong Sabado na ligtas ang 17 Filipino seafarers na binihag ng mga Houthis sa Yemen mula sa pinakahuling pag-atake ng Israeli laban sa grupo.
Sa pamamagitan ng kanyang post sa X, sinabi ni Marcos na natutuwa siyang ibalita na hindi naapektuhan ang 17 Filipino seafarers na nasa kustodiya ng Houthi.
Sinabi rin ni Marcos na ang balita ay ipinarating ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh.
‘’I am gratified to inform the nation that none of our 17 seafarers currently in the custody of the Houthis were affected by the recent Israeli attack on the port of Hodeidah, Yemen. Our Embassy in Riyadh reports that they are all safe,’’ ani Marcos sa X.
Tiniyak din ni Marcos sa mga mahal sa buhay ng mga marino na hindi sila pinababayaan ng gobyerno.
Ginagawa rin aniya ng gobyerno ang lahat para ligtas na maiuwi sa bansa ang mga seafarers.
Napaulat na sinalakay ng mga fighter jet ng Israel ang mga military targets sa Houthi malapit sa daungan ng Hodeidah ng Yemen noong Hulyo 20, na ikinasawi ng hindi bababa sa tatlong tao at nasugatan ang 87.
Halos siyam na buwan nang na-hostage ng mga rebeldeng Houthi mula sa Yemen ang 17 Pinoy seafarers mula nang ma-hijack ang kanilang cargo ship sa Red Sea noong Nobyembre noong nakaraang taon.
Iniulat na inagaw ng mga rebeldeng Houthi ang Galaxy Leader at ini-hostage ang 25 crew nito, kabilang ang mga Pilipino, bilang pagganti sa mga pag-atake ng Israel sa Gaza. Kris Jose