MANILA, Philippines – KASABAY sa pagdiriwang ng ika-120 anibersaryo ng Bureau of Internal Revenue (BIR), isinapubliko ng nasabing ahensiya ng gobyerno ang kanilang bagong logo makaraang magsagawa ng isang logo design contest, na nag-aalok ng P100,000 sa nanalo.
Pinangunahan nina BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. at Finance Secretary Ralph Recto ang bagong logo ng BIR na ang inisyatiba ay naaayon sa Bagong Pilipinas na rebranding campaign ng administrasyong Marcos.
Sinabi ni Lumagui na hindi nagbago ang logo ng 120 taong gulang na ahensya sa loob ng 60 taon. Ang isang paligsahan na inilunsad para sa isang bagong disenyo ng logo ay nakatanggap ng daan-daang mga entry, na ang panghuling disenyo ng bagong logo ay isang kumbinasyon ng mga elemento mula sa nangungunang tatlo na nagsumite.
Ang naturang patimpalak ay may premyong P100,000 para sa mananalo, kung saan ang 1st runner-up at 2nd runner-up ay tumanggap ng P50,000 at P25,000.
Ang paligsahan sa logo ng BIR ay inihayag noong unang bahagi ng taong ito ngunit nang walang napiling nag-iisang nanalo, pinili ng ahensya na bigyan ng P50,000 ang nangungunang tatlong disenyo.
Nang matanong kung magkano ang nagastos ng BIR sa ginawang redesign ng kanilang logo, sinabi ni Lumagui na “Wala tayong ibang naging gastos kundi ‘yung pabuyang binigay natin sa tatlong nanalo ng ating pa-contest.”
Matatandaan na ang kamakailang inisyatiba ng rebranding ng gobyerno at muling pagdidisenyo ng logo ay umani ng batikos mula sa mga netizen. Nagkakahalaga ng P3 milyon ang bagong logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na nagtatampok ng letrang P na naka-istilo sa mala-apoy na mga kurba sa kulay ng pula at asul kung saan nauwi pa sa House inquiry ang nasabing usapin.
Gayundin, binatikos din ang P49-million “Love the Philippines” rebranding project ng Department of Tourism matapos makita ang isang promotional video para sa kampanya na naglalaman ng stock footage ng mga foreign tourism sites.
Umani rin ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko ang rebrand na slogan na “Love the Philippines,” na pumalit sa 11-anyos na “It’s More Fun in the Philippines.”
Nabatid sa BIR na bukod sa redesign ng kanilang logo ay inilunsad din nila ang kanilang bagong web portal, na nagmamarka ng kanilang pangako sa digitalization ng kanilang mga serbisyo. RNT