MANILA, Philippines – Sinasabing nagmula sa sumabog na LPG sa isang canteen na nasa unang palapag ng isang residential building ang sanhi ng pagsiklab ng sunog sa Carvajal St., sa Binondo, Maynila sakop ng Barangay 289.
Pasado alas-10 ng ideklarang fire-out ang sunog ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Alas-12 ng tanghali namannang isa-isa nang inilalabas ng mga tauhan MPD-Homicide, Scene of the Crime Operatives (SOCO) katuwang ang BFP ang mga labi ng 11 indibidwal na na-trap sa gusali.
Ayon sa naunang panayam sa landlord na si Nori Minete, kasama sa nasawi ang kanyang asawa, dalawang kawani ng Philippine Coast Guard (PCG), tig-isang empleyado ng bangko at Eng Bee Tin at ang iba pa ay empleyado ni Manite sa kanyang karinderya.
Kasama rin sa nasawi ang asawa ni Minete kaya naman labis ang kanyang hinagpis na nauwi sa pagkahimatay.
Ayon sa mga tao sa lugar, agad na umakyat sa ikalawang palapag ang sunog nang sumabog ang tangke ng LPG sa canteen na nasa unang palapag.
Tyempo namang wala sa gusali si Minete dahil siya ay namalengke para sa kanilang canteen.
Samantala, agad namang ipinag-utos ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa Manila Department of Social Welfare and Development (MDSW) na bigyan ng tulong ang mga nasawing biktima.
Gayundin, ipinag-utos na rin ng mayora ng lungsod sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) hinggil sa naganap na sunog na magsagawa ng imbestigasyon kung may nangyaring kapabayaan.
Wala nang iniulat na nadagdag pa sa bilang ng mga nasawi sa sunog. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)