Home NATIONWIDE P20M droga nasabat ng NBI sa Las Piñas

P20M droga nasabat ng NBI sa Las Piñas

123
0

Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes na nasamsam ng kanilang Special Task Force (STF) ang tinatayang aabot sa P20 milyong illegal na droga sa Las Piñas City.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nasamsam ng mga operatiba ng STF ang pakete patungong Nigeria na naglalaman ng LED wall lamps at floodlights noong Hulyo 30.

Nadiskubre sa loob ng ilaw ang 19 black plastic bags at 17 transparent bags ng crystalline substance. Lumabas sa pagsusuri ng NBI-Forensic Chemistry Division na positibo ang resulta nito sa shabu .

Sa karagdagang pagsusuri, napag-alaman na ang mga droga ay tumitimbang ng 3,087 gramo na may street value na P6,800 kada gramo.

Dahil dito, sinabi ng NBI na tinatayang nasa P20.9 milyon ang halaga ng droga.

Ayon sa NBI, nakatanggap ang STF ng impormasyon na isang courier vehicle ang hinihinalang may dalang iligal na droga sa isang 25-kilogram na brown box.

Nagtungo ang mga operatiba ng STF sa Las Piñas City, kung saan namataan ang sasakyan na binabaybay ang kahabaan ng C-5.

Samantala, sinabi ng NBI na inaresto nito ang isang Nigerian national at isang Pinay, na umaming nagpapadala ng package, sa isang subdivision sa lungsod.

Ang dalawa ay parehong pinasuri sa droga kung saan nagpositibo ang dayuhan. Iniharap sila para sa inquest proceedings sa Prosecutor’s Office para sa paglabag sa RA No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Ire-refer din ang dayuhan sa Bureau of Immigration para sa tamang disposisyon. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here