MANILA, Philippines – Naglagay ng pangalawang layer ng oil spill booms ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ground zero ng lumubog na MT Terranova upang makatulong na pigilan ang pagkalat ng mga tagas.
Ang oil spill booms ay inilagay ng mga tauhan ng PCG sakay ng BRP Sindangan.
Nagsusumikap din ang mga pribadong sasakyang pandagat upang patatagin ang mga oil spill boom at pagsasagawa ng sea surveillance para sa mga posibleng oil sighting, ayon pa sa PCG .
Nauna rito, ang lahat ng mga balbula at “high-level na alarm pipe” ng barko ay nilagyan ng mga capping bag, na sa kalaunan ay papalitan ng mga metal cap sa loob ng dalawang linggo.
Tiniyak ng PCG na magsisimula ang oil siphoning kapag na-secure na ang mga metal cap na ito.
Samantala, ang 5,500 litro ng diesel oil sa loob ng lumubog na MT Jason Bradley ay nagsimulang masipsip noong Biyernes.
Binabantayan ng BRP Malapascua ang paligid ng tubig ng lumubog na tanker at naatasang gumamit ng mga oil dispersant kung kinakailangan.
Sinimulan ng PCG ang oil recovery operation noong Huwebes sa MV Mirola 1, ang ikatlong barko na nasangkot sa maritime incident sa baybayin ng Mariveles, Bataan noong Hulyo.
Sumadsad ang barko na may dalawang tanker na may diesel oil.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)