MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng ilang senador ang Toll Regulatory Board (TRB) sa pag-apruba ng panibagong toll adjustment sa North Luzon Expressway (NLEX) na ipapatupad umano ngayong Agosto, sa kabila ng malfunctioning radio frequency identification (RFID) system.
Kasunod ng pagpapatupad ng ikalawang tranche ng toll adjustments para sa NLEX na epektibo noong Hunyo 4, 2024, sinabi ng TRB na nakatakdang tumaas ang toll rates sa NLEX..
Tinanong ng mga mambabatas ang TRB kung bakit ito inaprubahan kung mayroon pa ring faulty cashless readers na nagreresulta sa traffic sa mga expressway.
“Chairman, I took the liberty of again, going through the toll booths…Hindi gumagana ang RFID. May manual para i-click po ‘yung card, para makapasok po,” sabi ni Senator Sherwin Gatchalian sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services noong Lunes.
“So in other words, kapag ganito ang nangyayari, nagbubuhol buhol na ‘yung traffic,” aniya.
Ayon sa TRB, ang pagtaas ng toll ay dahil sa mga naipong toll adjustments na hindi naaprubahan noon.
Pinahintulutan ng TRB ang pagpapatupad ng unang tranche o 50% ng mga inaprubahang pagsasaayos ng toll noong Mayo 25, 2023.
“Ang Board po ay inaprubahan ‘yung petition dahil una, meron tayong tinatawag na kontrata, ‘yung Supplemental Toll Operation Agreement. Tapos may nakalagay do’n na ang ating concessionaire can increase for every two years,” ani TRB executive director Alvin Carullo.
Pagkatapos ay sinabi ni Senator Raffy Tulfo sa TRB na kailangang bigyang-katwiran ang kanilang mga pagsasaayos.
Hiniling din niya sa board na huwag ipatupad ang dapat nitong pagtaas ng toll ngayong Agosto.
Ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), ang operator ng NLEX, SCTEX, CALAX, at CAVITEX, ay nasa proseso na ng pakikipagpalitan ng mga unang henerasyong RFID reader na hindi gumagana.
Sinabi ni MPTC President Rogelio Singson na ilang RFID stickers ang nailagay nang hindi tama o nasira.
“The issue here is the kung ‘yung sticker ay gastado na o nalagay sa maling lugar, hindi mababasa ‘yan, that’s why nagma-manual,” paliwanag ni Singson.
Noong Abril, sinabi ng TRB na naglunsad ito ng imbestigasyon sa maling RFID system na nagdulot ng mga traffic jam sa ilang expressway sa panahon ng Semana Santa.
Plano rin ng TRB na magpatupad ngayong taon ng unified wallet o isang RFID sticker para sa cashless payment sa lahat ng expressway. RNT