MANILA, Philippines- Mahigit 1,400 residente sa Surigao del Sur ang bumoto sa paglikha ng Barangay Guinhalinan sa munisipalidad ng Barobo, base sa Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo.
Sinabi ng Comelec na mayroong 2,574 botante sa lalawigan, subalit 1,459 indibidwal lamang ang bumoto. Sa bilang na ito, 1,434 botante ang tumugon ng “yes,” habang 14 ang nagsabing “no” sa paglikha ng barangay sa ilalim ng Republic Act No. 11986, na inaprubahan noong Marso 21.
Base sa Comelec, ang mga opisyal ng Barangay Guinhalinan ay pipiliin ng Barobo mayor.
Kabilang sa mga opisyal ang isang punong barangay, pitong sangguniang barangay members, isang sangguniang kabataan chairman, at pitong sangguniang kabataan members. Manunungkulan sila hanggang makapaghalal ng papalit sa kanila. RNT/SA