MANILA, Philippines- Iniulat ni National Security Adviser (NSA) Eduardo Año na patuloy na lumiliit at humihina ang pwersa ng New People’s Army’s (NPA).
Ito’y dahil sa paghina ng guerilla fronts na sa ngayon ay bumaba na sa lima.
Sa isang kalatas, sinabi ni Año na ito’y karagdagang pagbaba mula sa pitong huminang guerrilla fronts na nauna nang inilahad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa first-semester report nito.
“We are confident na kaya nating matapos ‘yung armed component. Sa AFP (Armed Forces of the Philippines), ang target nila ay December 2024. August pa lang naman tayo,” ayon kay Año.
Sa ulat, mula nang nilikha ang NTF-ELCAC noong 2018, ang 89 active NPA guerilla fronts ay ‘inconsequential’ at humina, kung saan lima na lamang ang natira.
Gayunman, nilinaw ni Año na ang military at local government units ay nananatiling naghahanda sa official announcement kaugnay sa dalawang huminang NPA guerrilla fronts.
Samantala, tinukoy pa rin ng NSA na ang pagkabawas sa armed component ng Communist Party of the Philippines (CCP) ay “not the end as a lot still needs to be done to prevent the communist insurgents from recruiting new members,” partikular sa “white areas” o mga lugar an nasa rural locations. Kris Jose