Home METRO Ambulance driver todas sa pamamaril!

Ambulance driver todas sa pamamaril!

MANILA, Philippines- Isang driver ng ambulansya ng barangay ang binaril at napatay ng riding in tandem na kalaunan ay namatay din matapos manlaban at makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng follow-up operation laban sa kanila sa Taguig Martes ng hapon, Agosto 13.

Sa report na isinumite ni Taguig City police chief P/Col. Christopher Olazo sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang nasawing biktima na si Bayani Quizon.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Taguig City police, naganap ang insidente ng pamamaril bandang ala-1 ng hapon sa Barangay San Miguel, Taguig City.

Sa nakalap na CCTV footage ng Taguig City police, sinabi ni Olazo na makikita sa video na naglalakad ang biktima sa gilid ng kalsada nang biglang sumulpot sa likuran nito ang isa sa mga suspek at pinaputukan si Quizon ng nakatalikod.

Nang bumagsak paluhod ang biktima ay hindi pa nakuntento ang suspek at pinaputukan pa ito nang tatlo pang beses para masigurado na hindi na ito mabubuhay pa.

Makaraang maisagawa ang krimen ay agad na sumakay ang armadong suspek sa motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasabwat at humarurot papalayo sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.

Sinabi ni Olazo na sa ginawang backtracking sa nakalap na CCTV footage at sa impormasyon na nakalap sa ilang nakasaksi sa krimen ay natunton ang kinaroroonan ng dalawang suspek sa Barangay West Bicutan.

Sa pagsasagawa ng follow-up operation ay nanlaban ang mga suspek na nauwi sa engkwentro at nagdulot sa pagkamatay ng mga suspek.

Narekober sa tabi ng labi ng mga suspelk ang dalawang .38 kalibre rebolber at isang .45 pistola na ginamit sa pakikipagpalitan ng putok sa mga operatiba.

Lumabas din sa isinagawang imbestigasyon na ang pamamaril sa biktima ay may kaugnayan sa onsehan sa droga. James I. Catapusan