Home NATIONWIDE Cooperation sa ligtas, matatag na karagatan pinaigting ng PCG at Japan

Cooperation sa ligtas, matatag na karagatan pinaigting ng PCG at Japan

1
0

MANILA, Philippines – Pinatatag ng Pilipinas at Japan ang kanilang pagtutulungan para sa ligtas at matatag na karagatan sa isinagawang courtesy visit ni Japan’s Minister of Land, Infrastructure, Transport and Tourism Yasushi Kaneko sa Philippine Coast Guard (PCG) National Headquarters, Port Area, Manila, noong Agosto 11, 2026.

Sa pagpupulong, binigyang-diin ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan na nananatiling matatag ang kooperasyon ng Pilipinas at Japan sa paglipas ng mga taon, dahil sa kanilang parehong interes at ibinabahaging responsibilidad.

“Bilang mga bansang napapaligiran ng dagat, alam na alam ng Japan at Pilipinas sa kaibuturan ng aming pagkatao: na ang ligtas at matatag na karagatan ay hindi luho. Ito ang pundasyon kung saan nakasalalay ang ating mga mamamayan, ating ekonomiya, at ang kapayapaan ng ating rehiyon,”ani Admiral Gavan.

Kinilala rin ng PCG Commandant ang patuloy na suporta ng Japan sa pagpapalakas ng kakayahan ng Coast Guard sa pamamagitan ng pagkuha ng mga barko at capacity-building.

Dahil sa kanilang partnership, nakuha ng PCG ang pinakamalalaking barko nito hanggang ngayon — ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) at BRP Melchora Aquino (MRRV-9702)— na nagsasagawa ng maritime security at safety operations sa loob ng malawak na exclusive economic zone ng bansa.

Sinabi naman ni Minister Kaneko ang determinasyon ng Japan na makipagtulungan nang mas malapit sa PCG para palakasin ang kooperasyong pandagat tungo sa ligtas at matatag na karagatan.

Binigyang-diin niya ang commitment ng Japan sa pakikipagsosyo sa Pilipinas para tugunan ang mga bagong isyu sa karagatan at itaguyod ang katatagan sa rehiyon.

Nagpasalamat din si Admiral Gavan sa pamahalaan ng Japan, Japan International Cooperation Agency, at Japan Coast Guard (JCG) sa kanilang tuluy-tuloy na technical cooperation sa PCG sa pamamagitan ng mga specialized training na isinasagawa ng JCG Mobile Cooperation Team.

Dumalo rin sa pagsalubong kay Minister Kaneko sina DOTr Assistant Secretary for Maritime Villamor Ventura Plan, Japanese Ambassador to the Philippines Kazuya Endo, JCG Commandant Koichi Miyazawa, at iba pang miyembro ng delegasyon ng Japan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here