MANILA, Philippines – Sinimulan na ng binuong Quad Committee ng House of Representatives ang unang joint public hearing nito kaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators(POGO), ilegal na droga at extrajudicial killings sa sa ilalim ng Duterte administration.
Ang QuadComm ay binubuo ng House Committees on Dangerous Drugs, Human Rights, Public Order and Safety at Public Accounts.
Alas 10:00 ng umaga nagsimula ang hearing na isinagawa sa Bacolor, Pampanga.
Ayon kay House Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep Aurelio Gonzales Jr., makatutulong ang “unified approach” ng QuadComm upang mapabilis ang pagpapalabas ng resulta ng imbestigasyon.
Aniya, ang lahat ng nauna nang natalakay sa mga naunang pagdinig ng mga komite ay pagsasama-samahin sa gagawing joint public hearing.
Una nang ipinaliwanag ni Dangerous Drugs Committee Chairman Robert Ace Barbers na ang pagbuo ng QuadComm ay dahil na rin sa magkakaugnay ang mga isyu kaya minarapat nilang pag-isahin na lamamg ang imbestigasyon.
Target ng isinasagawang inquiry na makabuo ng legislative solutions at tumulong para masampahan ng kaso at maipakulong ang mga mastermind .
Ang isyu na may kaugnayan kay dating Pangulong Duterte ay iniimbestigahan ng Kamara base na rin sa ilang House Resolution at privilege speech na inihain ng mga mambabatas.
Kabilang dito ang privilege speech ni Pampanga Rep Aurelio Gonzales Jr na humihiling na imbestigahan ang extrajudicial killings, illegal drugs at illegal activities.
Ang House Resolution No. 1346 at House Resolution 1351 na humihiling na imbestigahan ang P3.6 billion halaga ng shabu na nakumpiska sa Mexico, P1.3 B shabu sa Mabalacat na kapwa sa Pampanga at P3.8 billion shabu na nakumpiska sa Subic Bay.
Ang House Resolution No. 14, House Resolution 1847 at Privilege Speech ni ACT Teachers Partylist Rep France Castro na humihiling na imbestigahan ang mga extrajudicial killing sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon.
Gayundin ang Motu proprio inquiry sa pagdami ng Criminal Activities at Unlawful Acts na kaugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Gail Mendoza