ANTIPOLO – Arestado ang isang lalaki habang kumukuha ng National Police Clearance nitong Miyerkules ng tanghali sa Lungsod ng Antipolo sa Lalawigan ng Rizal.
Sa ulat ni Plt. Col. Ryan L. Manongdo hepe ng Antipolo Police Station kay Rizal Police Provincial Director PCol. Felipe B. Maraggun, dakong alas-12:33 ng tanghali hinuli ang suspek habang pinoproseso ang aplikasyon nito.
Kinilala ang suspek na si Alyas Ben, 50-anyos, ng Barangay San Roque sa nabanggit na Lunsod.
Ayon kay PCol. Maraggun, lumitaw sa database na mayroon pending warrant of arrest ang suspek sa kasong Murder na ibinaba ng Regional Trial Court Malolos City Bulacan noong November 9, 2021 at walang nirerekomendang piyansa.
Kaagad naman na inimpormahan ng tauhan na nakatalaga sa police clearance ang warrant team ng nasabing istasyon upang ihain ang warrant of arrest sa akusado na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Napag-alaman na nagtago ang suspek sa Antipolo, City nuon pang taong 2021 dahil sa pagpatay niya sa kanyang kinakasama sa Bulacan. Toto Nabaja