MANILA, Philippines – Iginiit ng Department of the Interior and Local Government na kailangan ang cash rewards at warrants of arrest para panagutin ang puganteng si Pastor Apollo Quiboloy sa mga reklamong inihain laban sa kanya.
Sa pahayag nitong Miyerkules, Agosto 21, sinabi ng DILG na ito ay ayon sa kanilang adbokasiya na magbigay ng hustisya sa mga kababaihan at bata.
“We in the DILG will never allow injustices to happen within our midst nor will we allow our children to become unknowing preys to sexual predators. Let the truth come out and justice be served,” ayon sa DILG.
Ang pahayag ay kasunod ng imbestigasyon ng Senado sa umano’y paggamit ng sobra-sobrang pwersa sa pagsisilbi ng arrest warrants laban sa “Appointed Son of God” sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao kung saan kinwestyon ni KOJC Executive Secretary Eleanor Cardona ang P10-million “bounty” sa makapagtuturo ng lokasyon ni Quiboloy.
“Legal ba ang pagpatong ng P10 million sa ulo… Kasi when you put a bounty of P10 million sa ulo ng isang tao na hindi convicted ng kahit anong korte dito sa ating bansa, ‘yun nga mas masahol pa siya sa masahol na terorista at killer dito sa bansa. Pastor is Pastor Quiboloy hindi pa siya convicted,” ani Cardona.
Kinumpirma naman ni Department of Justice Undersecretary Nicholas Ty, sa kaparehong pagdinig, na ang alok na reward ay legal sa ilalim ng batas at nilinaw ang pagkakaiba ng bounty at reward.
“Let us make a distinction between the term bounty and the word reward. This is a reward, not a bounty. A bounty is for people who should be arrested because they are convicts of a crime or they have outstanding warrants of arrest. This reward covers many things, not just the arrest, but information on the whereabouts of the various accused (including) Pastor Quiboloy,” ani Ty.
“Sinabi namin na legal ang pag-alok ng pabuya or reward sa mga indibidwal na makakabigay ng impormasyon na makakatungo sa arrest ng isang tao. Bakit po ito legal? Unang una, kasama ito sa trabaho namin sa justice sector. Dapat namin ipatupad ang mga criminal laws natin at hindi ito maipapatupad kung ang mga akusado ay hindi matatagpuan. Bukod doon, maliwanag naman sa ating sistema na hindi bawal ang pabuya para mahanap ang isang akusado at madala sa husgado ang isang akusado,” dagdag niya. RNT/JGC