Home METRO 400 empleyado ng P’que scam hub kalaboso!

400 empleyado ng P’que scam hub kalaboso!

118
0

MANILA, Philippines- Binulaga ng mga awtoridad sa isang raid ang isang scam hub sa pribadong gusali sa Parañaque City, nitong alas-2 ng madaling araw ng Huwebes. 

Pinangunahan ng Regional Intelligence Division-National Capital Region Police Office (RID-NCRPO) ang operasyon, sa tulong ng Parañaque City Police, Anti-Cybercrime Group, at mga kinatawan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o Pagcor. 

Inilahad ng RID-NCRPO na nagsilbi sila ng search warrant mula sa Manila RTC Branch 24 dahil sa naiulat na operasyon ng “computer-related fraud” sa nasabing establisimiyento. 

Sa nasabing operasyon, nasa 400 indibidwal na umano’y empleyado ng “scam hub” ang huli sa aktong pagsasagawa ng ilegal na transaksyon online mula sa walong silid. 

“Kumakausap po kami ng client po. Tapos parang [hinihikayat] po namin sila to gain [their] trust para makapasok doon sa investments. Tapos ‘pag nag-invest po sila, papapasukin lang po namin sila ng pera tapos hindi sila nakaka-withdraw,” paglalahad ng 24-anyos na umano’y empleyado ng scam hub. 

“Since na bago po ako rito, may nag-eexplain sa amin na isang recruiter and then ‘yong nangyayari po makakakuha kami ng malaking sahod daw pero kapag may nagawa po kaming isang pagkakamali ikakaltas daw po ‘yon sa sahod,” ayon naman sa isa pa.

Isiniwalat ng mga awtoridad na gumagamit umano ang mga empleyado ng espesyal na software sa pamamagitan ng pag-akit sa mga kliyente gamit ang mga pekeng account. 

Hinihimok nila ang mga kliyente na mamuhunan sa cryptocurrency exchange platform hanggang sa hindi na mabawi ng mga ito ang kanilang pera.

Batay sa ulat, marami sa mga biktima ay mga dayuhan.

Mayroon pa umanong silid kung saan personal na kinakausap ang mga kliyente upang magmukhang maktotohanan ang panghihikayat.

Inilahad ng RID-NCRPO na wala umanong lisensya ang negosyo batay sa tala ng Pagcor. RNT/SA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here