MANILA, Philippines – Sinabi ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo nitong Sabado, Agosto 31 na hinihimok nito si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo bilang bise presidente ng kanyang anak na si Sara Duterte para sa 2028 national elections.
“Mr. President, ang advice ko sa’yo tumakbo ka munang mayor. Kailangan mo ang Davao. Ipakita mo na you’re leading that,” ani Panelo.
“And then sa 2028, tumakbo kang vice president ng anak mo. Pag Duterte-Duterte (tandem), lahat ng kaalyado bumaliktad, babalik sayo kasi siguradong kayong panalo,” dagdag pa niya.
Hindi naman direktang tinanggap o kinontra ni Duterte ang suhestyon ni Panelo bagama’t sinabi nito na siya ay “open to any possibility.”
“Ganoon ang mga Duterte. Hindi mo malalaman ang gagawin nila,” pagmamalaki pa ni Panelo.
“Sabi niya (former president) sige ituloy mo advocacy mo ng Duterte-Duterte, tingnan natin,” dagdag pa niya.
Hindi naman tinukoy kung anong adbokasiya ba ang isinusulong ng mga Duterte maliban sa mga isyung iniimbestigahan ngayong sa Kamara at Senado kung saan naidadawit ang dating administrasyon.
Sinabi ng bise presidente noong nakaraang linggo na wala pa siyang desisyon sa kanyang political career dahil ang susunod na presidential election ay apat na taon pa naman mula ngayon. RNT/JGC